Sunday, March 16, 2008

Pakikibakang Moro

Mahahati sa tatlong yugto ang pakikibakang Bangsamoro para sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya na nagsimula apat na siglo na ang nakakaraan. Ang una at ang pinakamahabang yugto hanggang sa puntong ito ng kasaysayan, ay ang Digmaang Moro-Espanyol para sa pagtatanggol sa kanilang pambansang kalayaan at kasarinlan laban sa pananakop ng kolonyalismong Kastila. Ang ikalawa ay ang pag-aalsa ng mga grupong Moro laban sa malawakang pangangamkam ng mga lupang ninuno ng Bangsamoro sa pagpapasimuno ng imperyalismong Estados Unidos (EU). Panghuli ay ang pagpapatuloy ng panggigiit ng kanilang pambansang kasarinlan at identidad bilang Bangsamoro na sumiklab noong dekada 70 at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa kabuuan, ang pakikibakang Bangsamoro ay pagtatanggol sa kanilang pambansang kasarinlan, bayan at Islam.

Prekolonyal na Kasaysayang Bangsamoro

Ipinakikita ng kasaysayan na ang mga grupong Moro sa timog Pilipinas ay organisado sa mas maunlad na pormasyong panlipunan ikumpara sa iba pang mga grupong etnolingwistiko sa ibang bahagi ng Mindanao at maging ng bansa bago pa man dumating ang kolonyalismong Kastila.

Ang kaunaunahang misyong pangkalakalan mula sa habagatang Mindanao patungong Tsina noong 1011 ay sinasabing ipinadala ng grupong Morong Tausug na sa kapanahunang yon ay namumuhay sa Butuan bago ito namirmihan sa arkipelago ng Sulu. Depinidong grupong Tausug ang nagpadala ng sumunod na misyong pangkalakalan sa Tsina noong 1417 mula sa Sulu, mahigit isangdaang taon bago yumapak sa isang isla sa Mindanao ang mga pwersang Kastila sa ilalim ni Ferdinand Magellan noong 1521.

Bago pa dumating ang Islam sa lupang Bangsamoro sa huling mga dekada ng ika-13 siglo, ang mga Maranao at Maguindanao sa habagatan-kanluran at gitnang Mindanao ay nabubuhay na sa produksyon ng palay at pangangalap ng mga produktong gubat para sa sariling kunsumo at pangangalakal. Ang mga maglalayag na mga Tausug at Sama Laut ay nasa pangingisda, paninisid ng perlas at pag-aani ng mga produktong dagat para rin sa sariling kunsumo at pangangalakal.

Noong huling hati ng ika-17 siglo hanggang sa unang hati ng ika-18 siglo, naging masigla ang kalakalan sa tinatawag na Sulu Zone na binubuo ng mga isla-pamamayanan sa arkipelago ng Sulu at karatig na ngayon ay nakapaloob sa mga bansang Indonesia, Malaysia at Pilipinas. Pangunahin sa mga kalakal ay ang tripang, perlas at mga alipin na marami ay binihag ng mga maglalayag-mandirigmang mga Sama Laut, Iranun at Tausug sa iba’t ibang isla sa tatlong islang nabanggit.

Ang mga grupong Tausug at Maguindanao ay nangunguna sa masiglang pakikipagkalakalan sa mga dayuhang mangangalakal – mga Arabo, mga Tsino at iba pa mula sa timog-silanangang Asya. Ang Jolo, ang sentro ng arkipelago ng Sulu, ay episentro ng dalawang rutang pangkalakalan. Ang una ay dumaraan sa Java at Moluccas sa pagpaparoo’t parito sa Gitnang Silangan. Ang pangalawa ay nagdaraan sa Maynila sa pagpaparoo’t parito sa Tsina. Ang mga rutang ito ang naging ruta rin ng prosesong Islamisasyon sa timog-silangang Asya, lakip ang katimugan ng kasalukuyang Pilipinas.

Iniluwal ng pagsasanib ng katutubong sistemang pampulitika (pamumuno ng datu sa totongayana, agama at inged) sa pampulitikang sistema ng Islam (pamumuno ng sultan sa ilang datu na namumuno sa kankanyang erya o komunidad) ang mga sultanatong Moro sa Mindanao at Sulu. Ang pag-unlad sa sistemang sultanato ay ang proseso ng pampulitikang konsolidasyon ng mga totongayana, agama at inged. Ayon nga kay Amado Guerrero, ang unang tsir ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa kanyang librong Lipunan at rebolusyong Pilipino (1970) “kinatawan ng sultanatong Islamik ng Sulu at isla ng Mindanao ang mas mataas na anyo ng pampulitika at pang-ekonomiyang pag-unlad ikumpara sa barangay”.

Pangunahin sa mga sultanatong Moro ay ang sultanatong Sulu sa timog-kanlurang bahagi ng bansa, ang sultanatong Maguindanao sa gitnang Mindanao at ang katumbas na sultanato sa hanay ng mga Maranao, ang upat-ka-pangampong-a-ranao (ang apat na prinsipalidad paligid sa bay ng Lanao). Liban pa rito may mga prinsipalidad at mga setelment na Moro sa iba pang mga bahagi ng kasalukuyang Pilipinas.

Ang pamumuno at impluwensya ng sultanatong Sulu sa rurok ng kapangyarihang pampulitika nito ay umabot mula sa arkipelago ng Sulu at Basilan tungo sa Palawan, baybayin ng timog Zamboanga at Brunei. Lakip na dito ang Sabah na patuloy na binabawi ng sultanatong Sulu mula sa sana’y isangdaang taong lishold lamang nito sa imperyalismong Ingles.

Ang kapangyarihan at impluwensyang pampulitika naman ng sultanatong Maguindanao sa rurok nito sa ilalim ni Sultan Kudarat, ay sumaklaw mula sa baybayin ng Sibuguey Zamboanga sa kanluran at Golpo ng Davao sa silangan, at interyor na mga erya ng Lanao sa habagat tungo sa baybayin ng mga sanga ng Ilog Pulangi sa timog. Ito ang itinuturing na pinakamalawak na kahariang itinatatag sa buong bansa

Umiral bilang hiwahiwalay at nagsasariling mga estadong-bansa ang mga sultanato at mga pangampong na Moro bago pa dumating ang mga pwersang Kastila. Sinasabi nga ng isa sa mga prinsipalidad na Moro sa Cebu ang kaunaunahang lumaban sa pangongolonya at ebanghelisasyon sa Kristyanismo ng kolonyalismong Kastila noong 1521, nang labanan ni Datu Lapulapu ang mga pwersang ekspidisyon sa pamumuno ni Ferdinand Magellan.

Ang mga sultanato ng Sulu at Maguindanao bawat isa, ay may hiwahiwalay na mga departamento na nangangasiwa sa mga usaping dyudisyal at relihiyon, hiwahiwalay ring istruktura sa pangangasiwa sa pakikidigma, usaping nabal at pananalapi. Ang bawat upisyal ay may kaukulang titulo tulad ng qadi (kadi, kagi o hukom) na nangunguna sa usaping dyudisyal hawak ng korteng agama, rajalaut (kumander ng neybi), bandahara (tesorero) at rajamuda (susunod na sultan). Ruma Bichara ang konseho ng mga matatanda sa Sulu, Bichara Atas sa Maguindanao at ploklokesen sa Lanao. Bawat sultanato ay may kanyakanyang bandila.

Para sa administrasyong dyudisyal, ginagamit ng korteng agama ang Luwaran o seleksyon ng mga batas mula sa sistemang dyurisprudens na Shafii sa Islam, at sa adat (katutubong koda ng mga batas bago dumating ang mga kolonyal na mga pwersa) na oral na isinasalin mula sa isang henerasyon tungo sa sumusunod. Ayon sa isang Amerkanong otoridad sa kasaysayang Bangsamoro at mga palsiya ng imperyalismong EU tungo rito sa unang mga dekada ng pangongolonya nito sa Pilipinas, si Najeeb Saleeby, isinagawa ang kodipikasyon noong kalagitnaaan ng ika-17 siglo. Pero bago pa man ang kodipikasyon, umiral na ang korteng agama bago pa man dumating ang Islam sa bansa. Ang pangangasiwa nito sa mga usaping dyurisdisyal ay naimpluwensyahan ng Islam hanggang sa tuluyan ng kinudepika sa Luwaran ang sistema ng mga batas na ginagamit dito.

Kinilala ng ibang estadong-bansa ang soberanya at pagiging malaya ng mga sultanato sa Mindanao at Sulu. Katunayan, ilan dito ay nagkaroon ng hiwahiwalay na mga kasunduan sa bawat sultanato. Ang Espanya at sultanatong Sulu lamang ay lumagda sa labingdalawang kasunduan kabilang ang mga kasunduan ng 1578, 1646, 1725, 1737, 1805, 1837, 1857 at 1878. Ang France at sultanatong Sulu ay lumagda sa mga kasunduan ng 1843 at 1845; ang EU sa parehong sultanato noong 1842, 1899 at 1915. Maging ang Holland ay may nilagdaang kasunduan sa naturang sultanato. Ang sultanatong Maguindanao at ang kolonyal na gobyernong Kastila ay lumagda sa labingtatlong kasunduan sa pagitan nila

Ang pinakamaunlad na prinsipalidad na Moro sa bansa ay yong nasa Maynila na pinamumunuan ng mga kamag-anakan ng mga namumuno sa sultanato ng Borneo sa kasalukuyang Malaysia. Ang prinsipalidad na ito ang kumukontrol sa kalakalan sa Ilog Pasig, sa paligid ng Laguna de Bay, sa Batangas at hanggang sa Mindanao at Borneo.

Bukod pa rito nakaugat na rin ang mga prinsipalidad na Moro sa Batangas, Cagayan, Mindoro, Palawan, Catanduanes at Laguna sa Luson; at Bonbon (Leyte), Oton (Iloilo sa isla ng Panay) at Cebu sa Kabisayaan. May maliliit pero estratehikong mga setelment na Moro na rin sa Mindoro, Marindugue, Panay, Albay, Sorsogon, Antique, Masbate, Samar, Leyte, Burias, Polilio at Palawan na pawang nagsilbi sa paglulunsad ng mga opensibang militar sa takbo ng Digmaang Moro-Kastila.

Ang mataas na antas ng pag-unlad ng pormasyong panlipunang ng Bangsamoro ay ang batayan sa mga tagumpay ng mga sultanato sa matagalang pakikibaka nito laban sa kolonyalismong Kastila. Batay sa pag-iral ng mga sultanatong Moro bilang malaya at nagsasariling mga estadong-bansa, mawiwikang ang pakikibakang Moro laban sa kolonyalismong Kastila ay pagtatanggol sa pambansang kasarinlan at kalayaang Bangsamoro.

Digmaang Moro-Kastila

Para kay Saleh Jubair, ang Digmaang Moro-Kastila ay nagsimula noong 1576 nang labanan ng mga pwersang Moro sa Maynila sa ilalim ng pamumuno ni Rajah Sulayman ang inisyal na mga hakbang ng kolonyalismong Kastila sa pangongolonya sa kasalukuyang Pilipinas. Sa ganitong pagtingin, masasabing tumagal ng 322 taon ang digmaang ito.

Hinati naman ni Cesar Majul ang Digmaang Moro-Kastila sa anim na yugto na ayon sa kanya ay tumagal ng 320 taon. Ayon sa kanya, ang pakikidigma laban sa mga sultanatong Moro ay upisyal na diniklara at sinimulan ng mga pwersang Kastila sa paglulunsad nito ng isang serye ng mga kampanyang militar sa mga prinsipalidad at mga setelment na Moro sa Luson, Kabisayaan at hanggang sa Brunei noong 1578. Layon ng mga kampanyang militar na ito na putulin ang ugnayan ng mga sultanatong Moro sa Mindanao at Sulu sa potensyal na mapagkukunan ng suportang militar ng mga ito sa labas ng isla at arkipelago ng Sulu. Bukod sa nagtagumpay ang kolonyalismong Kastila sa layunin nito sa yugtong ito, nasagkaan rin ng tagumpay na ito ang proseso ng Islamisasyon sa kabuuan ng kasalukuyang Pilipinas na umuugat na noon sa Luzon at Kabisayaan. Para kay Majul, ito ang unang yugto sa Digmaang Moro-Kastila.

Pero dumanas ng mga pagkatalo ang mga pwersang mananakop sa ikalawang yugto nang tangkain nitong gawing mga basalyo ang mga sultanato sa Sulu at Mindanao. Dito pa lang, ginamit ng tagasagwan ng mga barko, mga tagapana at mga ispiya ang mga indio – katutubong binyagan sa Kristyanismo, laban sa mga Moro.

Malaking tulong sa mga sultanato sa pagtatanggol ng kanilang mga teritoryo at pagkabansa ang tulong militar dito ng mga sultanato ng Ternate at Moluccas sa ngayo’y bansang Malaysia. Bunga sa kanyang mga pagkatalo, binigyan diin na muna ng kolonyalismong Kastila sa kanyang estratehiya ang mga kampanyang ebanghelisasyon ng mga prayleng Katoliko sa mga katutubong di-Moro sa Mindanao. Layon nito na palawakin ang mga eryang nasa kontrol nito at palakihin ang bilang ng populasyong nagbabayad ng buwis sa kolonyal na gobyerno sa Mindanao. Noong 1596, dumating sa Mindanao ang mga prayleng Society of Jesus (SJ) para sa pagsisimula ng mga kampanyang ebanghelisasyon sa isla.

Inisyatiba ng mga sultanatong Moro ang ikatlong yugto ng digmaan, Tinangka nitong bawiin ang mga erya sa silangang Kabisayaan na dating nasa kontrol ng mga ito. Dumanas ng mga pagkatalo ang mga pwersang Moro sa kamay ng mga pwersang Kastila. Malaking kawalan sa mga pwersang Moro ang pagkawala ng kakayahang magbigay ng suportang militar ng Ternate sa sultanato dahil sa pagkatalo ng Moluccas sa kamay ng mga pwersang Kastila ng nakaraang mga taon. Nanguna ang mga pwersang Moro sa pakikipagkasundong pangkapayapaan sa kolonyal na pwersang Kastila.

Pinamunuan ng bantog na sultan ng Maguindanao, si Sultan Kudarat, ang paglulunsad ng dalawang serye ng mga kampanyang militar sa ikaapat na yugto ng Digmaang Moro-Kastila. Sinimulan ng sultanato ng Maguindanao ang unang serye ng mga opensibang militar noong 1635 at ang ikalawa noong 1656. Ito ang pinakamahabang panahon ng sagupaang militar sa pagitan ng mga pwersang Moro at mga pwersang mananakop sa loob ng Digmaang Moro-Kastila.

Nagmobilisa ang mga Kastila ng mga binyagang indio sa pandarahas sa mga komunidad na Moro – panununog ng mga kabahayan, paninira sa mga pananim, pamimihag at pang-aalipin sa mga bihag at panggagahasa sa mga kababaihang Moro. Nagapi ang mga pwersa ni Sultan Kudarat sa kota nito sa Lamitan noong 1645 at sa Sulu ng sumunod na taon. Napilitan silang pumasok sa interyor na mga erya para pigilan ang pagkaubos ng kanilang mga pwersa.

Sa pagkakataong ito, ang kolonyal na gobyernong Kastila ang humingi ng pakikipagkasundo sa mga sultanato. Una, pinaiigting ng mga pwersang Dutch ang pagtatangka nito na idagdag ang Mindanao at Sulu sa kanyang kolonya sa Indonesia. Pangalawa, tantya ng mga mananakop na may kakayahan pang maglunsad ng mga kontra-atake ang mga sultanato. Pangatlo, sagka sa istratehiya nitong patuloy na ebanghelisasyon sa Kristyanismo sa hanay ng mga katutubong di-Moro kung magpapatuloy ang mga sagupaan sa pagitan ng dalawang pwersa.

Nagbunga ang unang hati ng yugtong ito sa isang kasunduan sa pagitan ng kolonyal na gobyernong Kastila asultanatong Maguindanao noong 1645 na nagsasaad sa pagkilala ng una sa mga teritoryo ng huli. Ang kasunduan sa sultanato ng Sulu noong 1646 ay nagtakda sa pagpapalikas ng mga pwersang Kastila mula sa mga eryang sakop ng sultanato.

Ngunit makalipas lang ang sampung taon, muling nagdeklara ng jihad ang sultanatong Maguindanao laban sa mga pwersang Kastila noong 1656. Bunga ito ng patuloy na probokasyon ng huli sa mga eryang Moro, pag-iinsulto sa sultan at patuloy na mga pagtatangka sa pagkukumbert ng mga Moro sa Kristyanismo. Muli pinili ng mga kolonyal na pwersa na makipagkasundo sa sultanato. Sa panahon ng pagwawakas ng yugtong ito, tumindi ang pagtatangka ng Tsinong si Koxinga na agawin ang Maynila sa mga Kastila. Napilitang lumikas ang mga pwersang Kastila sa Moluccas at Ternate noong 1663.

Sa loob ng limampung taon, naghari ang kapayapaan sa Mindanao-Sulu. Nagkonsolida sa kanilang mga hanay ang mga sultanatong Sulu at Maguindanao. Muling sumigla ang kalakalan sa mga eryang Moro. Ang Sabah ay iniregalo sa sultanatong Sulu ng sultanato sa Brunei sa pasasalamat ng huli sa pagbibigay ng tulong militar ng una.

Tumagal ang kapayapaang ito hanggang 1718 kung kailan muling itinayo ang Fort Pilar sa Zamboanga City. Ito ang naging hudyat sa pagsisimula ng ikalimang yugto ng digmaan. Nagtapos ang yugtong ito sa pagkapataspatas. Muling nabigo ang kolonyal na mananakop sa tangka nitong gawing mga basalyo ang mga sultanatong Moro. Tumanggap ng mga pagkatalo ang pinagsamang mga pwersang Tausug at Iranun noong 1719. Pero tinalo naman ng pinagsamang mga pwersang Maguindanao at Iranun sa mga erya sa ilalim ng mga Kastila sa Kabisayaan. Pinaliit nito ang mga erya at buwis na kinukulekta ng mga Kastila sa Kabisayaan.

Ito ang pinakamadugong yugto sa Digmaang Moro-Kastila. Dagdag sa pagtatayo ng mga kota, ginamit ng husto ng kolonyal na gobyerno ang Privateer System na ipinatupad ng Espanya batay sa isang dekrito royal noong 1751. Pinahintulutan ng kolonyal na gobyerno ang pag-oorganisa ng mga ekspidisyong militar ng mga boluntaryo laban sa mga pwersang Moro. Karamihan sa mga boluntaryo ay mga elementong kriminal na pinangakuan at binigyan ng walang kundisyong kapatawaran, karapatan sa habangbuhay na di-pagbabayad ng buwis at 4/5 bahagi sa lahat ng makukulimbat nito sa pakikidigma (Jubair, 1999).

Sa yugtong ito, sinimulan ng kolonyal na gobyernong Kastila ang taktika nito na kabigin sa kanilang hanay ang ilang mga sultan sa kalagayang may mga alitan sa pagitan ng mga tagapagmana sa trono ng sultananato. Naging taktika na rin ng kolonyalistang kapangyarihan na ikoop ang mga lider-Moro sa pamamagitan ng pag-iimbita sa mga ito kasama ang kanikanilang mga alalay sa Maynila.

Hindi masasabing lubusang nagapi ng pwersang Kastila ang mga pwersang Moro sa ika-6 na yugto ng digmaan kahiman nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng sultanatong Sulu at kolonyal na gobyernong Kastila matapos talunin ng huli ang una sa Jolo noong 1876. Totoong nakapagtayo ng mga kota ang mga Kastila sa Jolo (Sulu), Bongao at Siasi (Tawitawi) at Lamitan (Basilan) na pawang mga sentro ng sultanatong Sulu. Pero nominal lang ang kontrol dito ng mga pwersang kolonyal sa araw. Gabigabi, binabato ng mga Morong naninirahan sa nakapaligid na mga komunidad ang mga kota. Naging napakahirap para sa mga pwersang Kastila ang pamumuhay sa mga kota. Sa huling hati ng ika-19 siglo, tumanggap na ng buwanang istaypen ang mga sultan at mga datu mula sa kolonyal na gobyernong Kastila.

Malaki ang inihina ng mga sultanato sa pagkawala ng suportang militar mula sa kolonyalismong Ingles at Dutch. Sa mga panahong ito kinailangan nang harapin ng dalawang pandaigdigang kapangyarihan ang kankanyang mga problema sa kanyakanyang mga kolonya sa Asya. Napilitan muling umatras ng mga pwersang Moro sa interyor. Napilitan rin ang mga sultanato na kilalanin ang kapangyarihan ng kolonyalismong Kastila na sa mga panahong ito ay naaarmasan ng mas modernong mga armas at mga kagamitang militar tulad ng mga barkong pandigma, mga machine gun at artilire.

Sa kaunaunahang pagkakataon, nakapasok sa interyor ng Lanao ang mga pwersang Kastila. Nagapi rin ng kolonyal na pwersa ang mga mandirigmang naiwan ni Amai Pakpak na namatay sa pakikipaglaban sa Dansalan Lanao. Nakapagtayo ng kota ang mga Kastila sa Marawi at nakapagposisyon ng dalawang bangkang pampatrulya sa bay noong 1890.

Ngunit hindi pa rin naging lubos ang tagumpay ng mga Kastila. Hindi lang pinaatras ang mga pwersa nito sa Zamboanga ng mga pwersa ng Katipunan sa ilalim ni Heneral Vicente Alvarez. Napilitan rin ang Kastilang gobernador heneral noon, si Heneral Blanco na magkonsentra ng pwersa sa Luson at Kabisayaan sa pag-igting ng Rebolusyong Pilipino noong 1896. Masasabi kung gayun na isa sa malaking salik na pumigil sa lubusang pagkagapi sa mga pwersang Moro ng kolonyalismong Kastila ay ang Rebolusyong Pilipino ng 1896.

Mula sa pagsilip na ito sa naging takbo ng Digmaang Moro-Kastila, makikita ang sumusunod:

Anti-kolonyal ang pangunahing katangian ng pakikibakang Moro laban sa mga pwersang mananakop sa yugtong ito ng pakikibakang Moro.

.Ang istratehiya’t taktika ng katunggaling pwersa ng mga sultanatong Moro ay inaayon sa kalagayan pampulitika’t militar na kinapapalooban ng digmaan. Nang mapagtatalo ang pwersang kolonyal sa kamay ng mga sultanato, ibinaling nito mula sa estratihiyang nakapokus sa paglulunsad ng digmaan sa istratehiyang nagdiin sa ebanghelisasyon sa Kristyanismo ng mga katutubo sa Mindanao. Nakikipagkasundo rin para sa kapayapaan ang mga mananakop sa kalagayang kailangan nilang umatras sa pakikidigma sa mga pwersang Moro, halimbawa, sa panahon ng mga pagtatangkang militar ng kolonyalismong Dutch at Ingles, at ng Tsinong si Koxinga.

Sa pinakamahabang yugto ng Digmaang Moro-Kastila sa ilalim ng pamumuno ni Sultan Kudarat nagkaisa ang mga grupong Moro sa paglaban sa kolonyalismong Kastila sa kabila ng katangiang tricentric ng mga ito o ang pagkakaroon ng tatlong sentro, isa sa bawat sultanato’t pangampong.

Ginamit ng kolonyalismong Kastila ang taktikang hatiin-para-maghari sa pakikitungo nito sa

mga sultanato at palisiya nito kaugnay ng mga hidwaan sa loob nito, partikular sa mga alitan sa pagitan ng mga tagapagmana sa trono ng sultanato. Kaugnay ng taktikang ito, gumawa ng

mga hakbang ang kolonyal na gobyernong Kastila para ikoop ang ilang lider-Moro tungo sa pagpanig ng mga ito sa kolonyal na mga palisiya. Humantong ang kooptasyon ng mga lider-Moro sa kasunduang pagbibigay ng buwanang istaypen sa mga sultan at mga datu mula

noong 1878. Birtwal na napailalim ang mga sultanato sa kolonyal na gobyerno sa

pamamagitan ng ganitong kaayusan.

Bahagi pa rin ng taktikang hatiin-para-maghari ang mga hakbang ng kolonyal na pwersang mananakop na paghiwalayin at galitin laban sa isa’t isa ang mga Kristyano’t Muslim. Hindi lang ginamit ang mga indio sa pakikidigma nito laban sa mga Moro, pinahintulutan pa ito sa pag-oorganisa ng mga ekspidisyong militar ng mga sibilyang naghahangad sa premyong salaping iniwasiwas ng kolonyal na gobyernong Kastilalaban dito sa ilalim ng Privateer System

Panahon ng Direktang Paghahari ng Imperyalismong EU (1899-1946)

Nagtapos ang Digmaang Moro-Kastila sa paglalakip ng mga eryang Moro sa nangyaring bentahan sa halagang US$20 M ng kasalukuyang Pilipinas sa pagitan ng kolonyalismong Espanyol at imperyalismong EU. Nakapaloob ang bentahang ito sa Treaty of Paris ng 1898. Ang pwersahang aneksasyong ito ng mga erya at mamamayang Moro na hindi naman lubusang nagapi ng kolonyalismong Kastila ay isa sa malaking usapin sa pakikibakang Moro magpahanggang sa kasalukuyan, Dito nagsimula ang ikalawang yugto ng Digmang Moro.

Ang ikalawang yugto ay nagsimula sa pagsisimula ng direktang pamumuno ng imperyalismong EU sa Pilipinas noong 1899, dumaan sa panahon ng transisyunal na gobyernong Komonwelt at nagwakas sa “pagbibigay” ng huwad na kalayaan ng kapangyarihang mananakop sa bansa noong 1946. Mahahati sa tatlong sabyugto ang panahong ito. Una ang sabyugto ng pakikipagkompromiso ng imperyalismong EU mula 1899 hanggang 1903. Pangalawa ang sabyugto ng pasipikasyong militar mula 1903 hanggang 1913. Panghuli ang panahon ng administrasyong sibil mula 1914 hanggang 1946.

1899-1903. Tulad ng unang pwersang mananakop, pinili ng imperyalismong EU na ikonsentra ang pwersang militar nito sa Luson at Kabisayaan kung saan mas maigting ang Digmaang Pilipino-Amerkano. Para ikahon ang mga pwersang Moro, pinapasok ng kolonyal na gobyernong Amerkano ang sultanatong Sulu sa bitag nitong Kasunduang Kiram-Bates at kahalintulad na kaayusan sa sultanatong Maguindanao kahiman walang pormal na kasunduan noong 1899. Mula 1899 hanggang 1903, ang Mindanao at Sulu ay ipinailalim sa pamamahala ng Department of Mindanao and Sulu ng United States Army.

Ang kasunduang ito ay pagpapatuloy lamang ng kasunduan sa pagitan ng kolonyal na gobyernong Kastila at sultanatong Sulu ng 1878. Isinasaad dito ang pagkilala ng sultanato sa soberanya ng EU. Ipinangako naman ng kolonyal na gobyerno na hindi makikialam sa relihiyon, mga batas at pangangalakal sa Sulu, kikilalanin ang otoridad at bibigyan ng proteksyon ang sultanato mula sa agresyong panlabas. Nakasaad din dito ang pagpapatuloy ng buwanang istaypen na US$15 hanggang US$75 bawat datu at US$200 bawat sultan sa ilalim ng bagong kolonyalistang kapangyarihan. Bagamat walang pormal na kasunduan, ganito rin ang naging kaayusan sa relasyon ng EU sa sultanatong Maguindanao.

1903 – 1913. Bilang hudyat ng pagbabago ng palisiya nito tungo sa Bangsamoro, yunilateral na winalang bisa ng kolonyal na gobyernong Amerkano ang Kasunduang Kiram-Bates noong 1903. Kinatwiran ng imperyalismong EU, kinailangan ang paglulunsad ng mga kampanyang militar laban sa mga pwersang Moro para ipagtanggol ang mga mamamayang Pilipino laban sa di-makatao at di-makatarungang mga praktis ng mga Morong mangangalakal, pamimirata at, pamimihag at pangangalakal ng mga bihag na ginawa at kinalakal bilang mga alipin sa Sulu. Ginamit rin ng kolonyal na militar ang mga Pilipinong Kristyanong sundalong Philippine Scouts sa pakikidigma laban sa mga pwersang Moro.

Para papaghinain ang sultanato sa larangan ng ekonomiya, ginawang illegal ang pang-aalipin at kalakalan ng mga alipin, at sapilitang pinagbuwis ang mga mamamayang Moro sa pamamagitan ng pagbabayad ng sedula at taripa sa mga produkto mula sa mga eryang Moro. Sapilitang ipinatupad rin ang mga batas sa lupa na naging instrumento ng mga panginoong maylupa, malalaking kapitalista- lokal at dayuhan, at lahat ng nagnanais magkaroon ng malalawak na lupain para sa kanilang sariling interes, sa pangangamkam ng lupa.

Sa larangan ng pulitika, ang mapagkaibigan na mga lider-Moro sa mga kolonyal na upisyal ay ninombrahan bilang mga ward leaders sa mga lokalidad. Nilikha ang Moro Province kapalit ng Department of Mindanao-Sulu ng US Army sa pangangasiwa ng katimugang arkipelago ng Mindanao at Sulu.

Sa usaping dyudisyal, ipinataw ng imperyalismong EU ang kanluraning mga konsepto sa hustisya. Niyurakan ng kolonyal na gobyernong Amerkano ang mga karapatan at tungkulin ng mga lider-relihiyosong Moro sa pagpapatupad ng kanilang katutubong mga batas batay sa Luwaran, adat at Shariah sa ilalim ng korteng agama.

Sa larangan ng kultura, sapilitang pinapag-aral ang mga batang Moro sa sistemang pampublikong paaralan na tingin ng mga lider-Moro ay nagtuturo ng mga paniniwalang taliwas sa kanilang mga paniniwala sa Islam. Para dis-armahan ang mga grupong Moro, ginawang ilegal ang pagkakaroon ng armas noong 1911.

Kaalinsabay ng mga hakbang na ito ang malawakang paglulunsad ng mga kampanyang militar laban sa mga pwersang Moro. Tinatayang di kukulangan sa 20,000 mga Moro ang namatay sa panahon ng pasipikasyong militar ng imperyalismong EU sa Kamorohan mula 1903 hanggang 1914.

Sa harap ng tahasang pagyurak sa pagkabansa, kalayaan at mga karapatan ng mga grupong Moro, naging ispontanyo at putaputaki ang paglulunsad ng lokal na mga pag-aalsa laban sa mga pwersang kolonyal sa iba’t ibang lugar ng Kamorohan. Marami sa mga pag-aalsang ito ay may katangiang rido dahil sa malawakang pangangamkam ng mga lupang ninuno ng mga Moro.

Hindi lang bunga ng panghina ng sultanato kaya naging lokal at sa ilalim ng pamumuno ng mga datu sa lokalidad ang mga pag-aalsa. Malaking salik rin sa di pamumuno ng sultanato sa naging putaputaking mga pag-aalsa ang palasukong tunguhin nito sa pakikitungo sa imperyalismong EU. Lalo pang humina ang kapangyarihang pampulitika ng mga sultanato.

1914-1946. Matapos na epektibong ikahon ng kolonyal na kapangyarihan ang mga pwersang Moro, sinimulan nito ang proseso ng Filipinisasyon o palisiya ng integrasyon ng Kamorohan. Pinalitan ang Moro Province ng bagong Department of Mindanao and Sulu, sa panahong ito sa ilalim ng Department of the Interior. Sa ilalim ng bagong departamento, sinimulan ang sibilyan na administrasyon sa bagong nilikhang mga prubinsya ng Sulu, Zamboanga, Cotabato, Lanao, Davao, Misamis at Agusan-Bukidnon.

Nagtayo ng mga istrukturang pampulitika na walang iniwan sa mga itinayo sa Luson at Kabisayaan sa kabila ng pagkakaiba ng umiiral na kalagayang pampulitika sa Kamorohan. Tuluyang binalewala ang tradisyunal na mga istrukturang pampulitika sa hanay ng mga grupong Moro. Pangunahing layunin ng hakbang na ito ang pagpapasinop sa proseso ng integrasyon ng Mindanao-Sulu, partikular ang Bangsamoro, sa pangunahing agos ng panlipunang buhay sa Pilipinas.

Ninombrahan ang mapagkaibigan at nakoop na mga lider Moro sa pampulitikang mga posisyon sa gobyerno mula sa Lupong Pamprubinsya hanggang sa Pambansang Asambleya. Pinagpag-aral bilang pensyonado ang ilang piling anak ng mga sultan at mga datu sa EU. Ipinasyal ang mga sultan at mga datu sa Maynila kasama ang kanyakanyang mga alalay at mga anak para ipakita ang modernisasyong maaaring mangyari sa Kamorohan sa ilalim ng programang Filipinisasyon ng kolonyal na gobyerno at kung itataguyod nila ang mga hakbang sa ilalim nito. Nagpatuloy ang programa hanggang sa panahon ng Komonwelt mula noong 1935.

Nagpatuloy ang pangangamkam ng mga lupang ninuno sa panahong ito. Nagpatuloy rin ang pagbubukas ng mga plantasyon ng goma, abaka at niyog ng malalaking transnasyunal na mga agrokorporasyon tulad ng BF Goddrich, Firestone at Del Monte sa panahong ito sa mga eryang Kamorohan. Binigyan ng mga konsesyon sa libulibong ektarya ng mga kagubatan ang malalaking kumpanyang dayuhan sa pagtrotroso tulad ng Weyerhauser at Boise Cascade, pawang mga baseng-EU na mga kumpanya.

Nagpatuloy rin ang mga pag-aalsa at rido sa Kamorohan. Nasa sumusunod ang parsyal na listahan ng mga pag-aalsa, marami sanhi sa malawakang pangangamkam ng lupa sa mga eryang Moro sa Mindanao at Sulu.

Lista A. Parsyal na Listahan ng mga Pag-aalsang Moro Laban sa Kolonyalismong EU

Taon Armadong Pag-aalsa

1903 Sa Lanao sa ilalim ni Ampuan Aguas, hanggang 1906

1903 Sa Cotabato sa ilalim ni Datu Ali hanggang 1905

1903 Sa Sulu sa ilalim ni Panglima Hassan hanggang 1905

1904 Sa Sulu sa ilalim ni Datu Usap at Datu Pala hanggang 1905

1906 Sa Maciu, Lanao

Sa Sulu na humantong sa Masaker sa Bud Dajo

Sa Sulu sa ilalim ni Jikiri at lumaganap sa Basilan

Sa Balabak, timog Palawan

Panibagong pag-aalsa sa Bud Dajo sa ilalim ni Janjalani

Magkaahiwalay na mga pag-aalsa sa ilalim ni Datu Alamada at Datu

Ampatuan hanngang 1913

1913 Isla ng Talipao sa Sulu sa ilalim ni Datu Sabtai

1913 Mga sagupaan sa Taglibi at Bud Bagsak sa Sulu

1916 Malawakang pag-aalsa sa Bayang Lanao sa ilalim nina Datu Lumamba at Imam Tawakir

1917 Sa Cotabato sa iallim ni Datu Ambang

1919 Sa Jolo, Sulu sa ilalim nina Aukasa at oangliam Asjali

1920 Isla ng Pata sa Sulu sa ilalim ni Maharajah Untong at Hatib Sihaban

1923 Cotabato sa ilalim ni Datu Santiago

Sa Tugaya at Ganassi sa Lanao

Sa Lanao sa ilalim ni Datu Pandak

Paglahok ng Maguindanao sa pag-aalsang Langkat sa Cotabato hanggang 1917

1934 Sa Lanao sa ilalim ni Dimakaling

Pinagkunan: Tan, 1977


Sa kabila ng mga pag-aalsang ito, minabuti ng ilang lider-Moro na hilingin sa ilang pagkakataon na gawing teritoryong protektado ng EU ang Kamorohan, hiwalay sa Pilipinas. Pangangatwiran nila ngayon, mas nakabuti sana ito sa maaaring isusunod na hakbang ng Bangsamoro na paghiling ng dekolonisasyon mula sa EU tulad ng ginawa ng East Timor at iba pang mga kolonya batay sa deklarasyon sa dekolonisasyon ng United Nations. Sa pangangatwirang ito, makikita ang hindi pagkukunsidera sa iba pang mga salik at pagkakaiba sa kalagayang pampulitika, dyugrapikal, militar at diplomatikong mga relasyon sa pagitan ng teritoryong Moro at East Timor sa kanyakanyang bansang kinapapalooban.

Mula sa pagsilip na ito sa itinakbo ng pakikibakang Moro panahon sa direktang paghahari ng imperyalismong EU sa Pilipinas, makikita na

  1. Lumabnaw ang katangiang anti-kolonyal ng pakikibakang Moro sanhi sa naging mga palisiya ng huli tungo sa tradisyunal na mga lider Moro. Malalaking salik dito ang mapagkaibigang relasyon sa pagitan ng na Ottoman Empire bago ito bumagsak at ng EU, at pangingibabaw ng damdaming anti-indio ng mga Moro ibinunga ng mahabang panahong ng pagpapatupad ng taktikang hatiin-para-maghari ng mga kapangyarihang nangolonya sa bansa.
  2. Tulad ng kolonyalistang Kastila, ibinabatay ng imperyalismong EU ang istratehiya’t mga taktika nito sa pakikitungo sa mga grupong Moro sa umiiral na kalagayang pampulitika’t militar. Nakikipagkaibigan at nakikipagkasundo ito ng kapayapaan kung kinakailangan kahiman panandali para humarap sa mas kagyat na mga usapin tulad ng mas maigting na pakikidigma laban sa mga pwersang rebolusyonaryo sa Luson at Kabisayaan sa unang mga taon ng pangongolonya nito sa bansa.
  3. Ginamit rin nito ang taktikang hatiin-para-maghari tulad ng kolonyalistang Kastila. Halimbawa, sa paglalarawan ng mga Moro na lahat pirata at namimihag ng mga alipin at paggamit ng mga Philippine Scouts sa pakikidigma laban sa mga Moro.
  4. Magkaalinsabay ang paglulunsad ng mga kampanyang militar at malawakang pangangamkam ng lupang ninuno ng kolonyal na gobyernong Amerkano sa Kamorohan.
  5. Isa sa epektibong hakbang ng imperyalismong EU sa paghahari sa mga grupong Moro ang kooptasyon ng mga lider-Moro para kabigin ang suporta nito sa mga palisiya ng kolonyal na gobyernong Amerkano.

Sa Ilalim ng Papet na Republika ng Pilipinas

Ang pagpapatuloy ng mga pagtatangka sa integrasyon ay walang tigil na nagluwal ng iba’t ibang mga anyo ng diskriminasyon laban sa mga mamamayang Moro. Nagtulak ito sa isang tradisyunal na lider-Moro sa Sulu na maglunsad ng pag-aalsa laban sa mga pwersang militar ng papet ng imperyalismong EU na republikang Pilipino noong dekada 50. Tumampok ang pag-aalsang ito dahil binasag nito ang mahigit sa dalawang dekadang pananahimik ng mga pwersang Moro.

Ang Pag-aalsang Kamlon ay nagtulak sa Kongreso ng Pilipinas sa paglikha ng isang ispesyal na komite noong 1957 para pag-aaralan ang mga kadahilanan na nagbunsod sa pagsiklab nito. Ngunit sa halip na makitang ibinunga ito ng mga hakbangin ng gobyerno tungo sa integrasyon ng Kamorohan sa lipunang Pilipino, inirekomenda pa nito sa isang ulat na kailangan pang pabilisin ang proseso ng integrasyon para lubusang malutas ang usaping Bangsamoro sa Pilipinas.

Kinakitaan ang dekada 60 ng mga hakbangin sa lahat ng mga larangang panlipunan – ekonomiya, pulitika at kultura para sa pagpapabilis ng integrasyon. Sa dekadang ito, muling nagbukas ang mga transnasyunal na mga agrokorporasyon ng mga plantasyon, karaniwan saging at pinya sa panahong ito. Naging target na muli sa pagbubukas ng mga ito ang malalawak at mayamang mga lupang ninuno sa mga eryang Moro.

Kabilang sa mga binuksan ang plantasyong DOLE at STANFILCO sa General Santos at karatig na mga bayan sa South Cotabato. Ang pagbubukas ng mga ito ay pinabilis ng Mindanao Development Authority (MDA) na nilikha ayon sa rekomendasyon sa ulat ng ispesyal na komite ng Kongreso na nagsiyasat sa Pag-aalsang Kamlon sa Sulu ng nakaraang dekada.

Sa larangan ng kultura at edukasyon nilikha, ayon rin sa ulat ng ispesyal na komite, ang Commission on National Integration (CNI). Naging pangunahing programa ng komisyon ang pagbibigay ng iskolarship sa mga estudyanteng katutubo – Moro at di-Moro. Ngunit madalas kaysa hindi, naging problema ng programang ito ang kawalan ng pondo at pagbibigay ng prayoridad sa pagbibigay ng iskolarship sa mga estudyanteng hindi katutubo.

Sa larangan ng pulitika, malaking bilang ng mga lider-pulitikong Moro ang napagtatalo sa eleksyon maging sa mga eryang mayorya ang populasyong Moro. Ang mga pagkatalong ito ay hindi lang dahil sa pagliit ng populasyong Moro sa mga bayan at prubinsyang dating dominado ng mga Moro, kundi mas pa sa mga pandarayang elektoral ng mga Kristyanong lider-pulitiko.

Taong 1968 tumampok naman ang Jabidah Massacre kung saan pinaslang ang mga Moro pinagtretreyning sa Philippine Army para sa isang kobert na planong paglusob sa Sabah para bawiin ito mula sa Malaysia. Minasaker ang mga treyni nang tumanggi ang mga ito sa pagpapatupad ng plano. Dito nagsimulang mag-alab ang damdamin ng mga Moro laban sa papet na republika ng Pilipinas, na sa tingin ng ilang lider Moro ay gobierno a sarwang a tawo (gobyerno ng dayuhan).

Lalo pang pinag-alab ang damdaming mapanghimagsik ng mga mamamayang Moro sa sunud-sunod na masaker na isinagawa ng sabwatang militar-ILAGA na naglalayong palikasin ang mga magsasakang Moro sa mga lupang ninuno na sinasaka ng huli. Gusto ng sabwatan na pabilisin ang malawakang pangangamkam ng lupa ng mga grupong Moro sa iba’t ibang erya ng Kamorohan. Malaking bilang ng mga magsasakang Moro ang nagsilikas mula sa kanilang mga pinaninirahan at mga sakahan. Malaking erya ng mga lupang agrikultural na dati nilang sinasaka ang agad-agad na inakupahan ng mga myembro ng bigilanteng anti-Morong organisasyon – ang ILAGA. Sumusunod ang parsyal na listahan ng mga masaker na isinagawa ng sabwatang militar at ILAGA sa mga eryang Moro.

Lista B. Parsyal na Lista ng mga Masaker na Isinagawa ng Sabwatang Militar-ILAGA


Bayan at Prubinsya Taon Namatay

Upi, Cotabato Marso 22, 1970 6

Upi, Cotabato Setyembre 10,1970 6

Polomolok, South Cotabato Agosto 10, 1970 8

Alamada, Cotabato

Midsayap, Cotabato Disyembre 3, 1970 13

Ahan, Datu Piang, Cotabato Disyembre 17, 1970 18

Bagumbayan, Cotabato Enero 1, 1971 7

Alamada, Cotabato Enero 17, 1971 73

Carmen, Cotabato Abril 6, 1971 18

Manili, Carmen, Cotabato Hunyo 19, 1971 70

Wao, Lanao del Sur Hulyo 4, 1971 walang bilang

Buldon, Maguindanao Agosto 5, 1971 14

Wao, Lanao del Sur Agosto 5, 1971 36

Kauran, Ampatuan, Cotabato Agosto 9, 1971 4

Buldon, Maguindanao Agosto 9, 1971 60

Kisulon, Bukidnon Oktubre 23, 1971 67

Magsaysay, Lanao del Norte Oktubre 24, 1971 66

Tacub, Kauswagan, Lanao Norte Nobyembre 22, 1971 40

Siay, Zamboanga Sur Nobyembre 1971 walang bilang

Ipil, Zamboanga Sur Disyembre 1971 walang bilang

Palembang Cotabato Enero 21, 1972 walang bilang


Pinagkunan: Jubair, 1999


Digmaang Moro ng Dekada 70. Ang malawakang pangangamkam ng mga lupang ninuno at pampulitikang mga pandarahas laban sa mga mamamayang Moro ay dinagdagan pa ng init ng Digmaang Israel-Arabo ng 1967. Naglunsad ng mga kampanyang militar ang Israel laban sa Syria at Egypt sa pagbibigay ng mga ito ng santwaryo sa mga gerilyang Palestino. Nagbunga ang digmaang ito sa pag-ookupa ng Israel sa Sinai Dessert ng Egypt at Golan Heights ng Syria, dagdag sa dati nang inukupa nito na West Bank at Gaza Strip.

Sa Pilipinas, muling nabuhay ang pambansang demokratikong kilusang propaganda sa inisyal na pagpapaliyab ng nasyunalismo ng mga demokratang burgis tulad nina Claro M. Recto at Lorenzo Tanada kasama ang isang Maranao na senador, si Domocao Alonto. Pinalawak ng Kabataang Makabayan (KM), na itinatag noong 1964, ang saklaw sa pagkilos na sinimulan ng Student Cultural Association of University of the Philippines (SCAUP). Isa sa mga nagtatag sa KM ay isang intelektwal na Tausug, na instruktor noon ng Political Science sa UP, si Nur Misuari.

Matapos ang inisyal na pakikipagkapit-bisig sa mga aktibistang Kristyano, nag-organisa sa kanilang hanay ang mga aktibistang Moro ng iba’t ibang grupo, karamihan sa Kamaynilaan. Kabilang dito ang Union of Islamic Forces and Organizations (UIFO) sa ilalim ng pamumuno ni Macapanton Abbas, Jr., ang Muslim Progressive Movement (MPM) ni Alunan Glang, ang Philippine Muslim Nationalist League (PMNL) ni Nur Misuari, ang Muslim Student Supreme Council of the Philippines (MUSAPHIL), ang Muslim Lawyers League (MLL), ang Mambarul Islam sa Cotabato at at ang Sulu Islamic Congress sa Jolo, Sulu.

Sa labas ng bansa, pinanguluhan ni Salamat Hashim (Maguindanao), Abdulbaki Abubakar (Tausug) at Mahib Mutilan (Maranao) ang pag-oorganisa sa mga estudyanteng Moro. Itinayo nila ang Philippine Students Union (PSU) na una’y nakibaka para sa mga karapatan ng mga estudyante. Malaon pinalawak nila ang kanilang pakikibaka sa pagsisiwalat ng kalagayang panlipunan at paglaban ng mamamayang Bangsamoro sa tinubuang lupa. Liban pa sa PSU, nagtatag rin si Hashim ng isang tagong organisasyon na kumakalaban sa gobyerno ng Pilipinas.

Sa maagang yugto pa lang may batayan na sa pag-iral ng dalawang tunguhing pampulitika sa hanay ng mga pwersang Moro. Marami sa grupo ni Misuari ay nag-aral sa sekular na mga unibersidad sa Pilipinas. Mas sekular at makabansa ang kanilang oryentasyon. Marami naman sa grupo ni Hashim tulad niya ay nag-aral sa mga eskuwelahang Islamik sa Gitnang Silangan. Si Hashim ay nagtapos ng kanyang kurso hanggang sa huling mga taon ng pag-aaral doktoral niya sa Al-Ashar University sa Egypt. Ang al-Ashar ay itinuturing na Vatican ng mga Romano katoliko para sa Islam kung saan ang mga Muslim sa buong mundo ay humihingi ng interpretasyon sa mga bersong Quoranic.

Ngunit sa kabila ng batayang pagkakaiba sa pampulitika at pang-ideolohiyang oryentasyon, walang ibang masusulingan ang iba’t ibang grupo’t indibidwal na Moro sa harap ng matinding sitwasyong pampulitika hinarap nila sa huling mga taon ng dekada 60. Ang pagtatayo ng alyansa ay naging kagyat na pangangailangan nang minasaker ang mga Morong treyni ng PA para sa operasyong militar sa Sabah (codename Jabidah) noong Marso 18, 1968.

Sa Mindanao, ang gobernador ng Cotabato na si Datu Udtog Matalam ay kagyat na nag-organisa sa Mindanao Independence Movement (MIM) na muling nagpaliyab sa adhikaing Moro para sa pambansang kalayaan. Noong 1971, nagtatag ito ng armadong grupo, ang Blackshirts na nakauniporme ng itim. Kaalinsabay nito ang pagtatayo ng armadong grupo rin ng mga Maranao, ang Barakuda.

Bilang tugon sa pagtatayo ng MIM, ang ultra right na mga lider pulitikong Kristyano sa ilalim ng Deputy Defense Minister for Civil Relations ng Armed Forces of the Philippines (malaon ay naging gobernador ng Cotabato) na si Lt. Col. Carlos Cajelo ay nagtatag ng isang bigilanteng anti-Morong organisasyon, ang ILAGA.

Sumunod sa pagbubuo ng ILAGA ang pagtatayo ni Domocao Alonto ng Ansar El Islam noong 1971. Nanawagan ito para sa sistemang pederal sa gobyerno at karapatan ng mga Moro para lubusang isabuhay ang Islam sa lahat ng panlipunang larangan sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa mga panahong ding ito, ang kongresistang Maranao na si Rashid Lucman at ang natalong gobernador ng Cotabato na si Matalam ay nag-organisa sa tulong ni Hashim para sa treyning militar ng unang batch ng mga kabataang Moro – ang Top 90 – sa Pulao, Pangkor, Perak State sa Malaysia. Isa sa mga treyni si Misuari. Sa panahon ng treyning sinimulan niya at ilan pang kabataang lider-Moro na bumabatikos sa mga tradisyunal na lider-Moro ang tagong pag-oorganisa sa Moro National Liberation Front (MNLF) na unang tinawag na High Command of Moro Fighters.

Ang MNLF na unang nakibaka para sa sesesyon ng Mindanao, Sulu at Palawan (MINSUPALA) mula sa Pilipinas ay naglunsad ng pakikidigmang semi-posisyunal at kumbensyunal laban sa mga pwersa ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Ang unang opensibang militar nito na inilunsad sa Jolo makaraan lang ang halos isang buwan pagkadeklara ng batas militar ay naging mitsa sa nagliyab na digmaan sa Mindanao – Sulu mula 1973 hanggang 1975.

Matapos agawin ang pampulitikang kapangyarihan sa Jolo at karatig na mga bayan at isla sa Sulu, isinunod ng MNLF ang opensiba sa Cotabato. Labingdalawang bayan dito ang kagyat na napailalim sa pampulitikang kontrol nito. Hanggang sa maagang bahagi ng 1975 paralisado sa pagkilos ang pampulitikang mga istruktura ng gobyerno sa mga eryang kontrolado ng MNLF. Pinalitan ang mga ito ng mga “komiteng bayan” (peoples committee) mula sa lebel ng barangay pataas hanggang rehiyunal na mga koman. Sumasaklaw ng ilang prubinsya ang erya ng responsibilidad ng huli.

Para supilin ang rebelyon, kinailangang italaga ng AFP ang mahigit sa kalahati ng pwersa nito sa Mindanao at Sulu at gumastos ng mas o menos P15 milyon bawat araw sa panahong itinagal nito. Sa loob ng dalawampu’t anim na taon mula 1970 hanggang sa lagdaan ng Final Peace Agreement (FPA) sa pagitan ng MNLF at GRP noong 1996, ang huli ay gumastos, ayon sa dating kongresista Heneral Eduardo Ermita, ng P 73 B. Mahigit sa 100,000 ang namatay at daaandaang libo ang nagbakwet mula sa kanilang mga lugar tirahan at kabuhayan. Malaking bilang ang nakaabot sa Sabah sa pagbakwet.

Ngunit sa ikalawang hati ng 1975, nagsimula ng masaid ang mga rekurso sa pakikidigma ng MNLF at bumaba ang diwang palaban ng mga upisyal militar at mga mandirigmang Moro. Mula sa aktwal na mga karanasang militar, napatotohanan ng MNLF na hindi angkop ang istratehiya nilang pusisyunal at kumbensyunal na pakikidigma laban sa mas malakas na mga pwersang militar ng GRP.

Dagdag pa rito, natuto ang rehimeng Marcos sa pangangalap ng rekurso sa pakikidigma laban sa pwersang Moro at pagkuha sa pampulitikang suporta ng mga bansang Islamik, halimbawa ay Libya, at pandaigdigang organisasyong Muslim tulad ng Organization of Islamic Countries (OIC). Kalaunan nahila ng Libya at OIC ang MNLF na ibaba ang panawagan nito mula sesesyon tungo sa otonomiya sa loob ng balangkas ng teritoryal na integridad at konstitusyon ng Pilipinas.

Ang mga patagong pag-uusap sa pagitan ng GRP, MNLF at OIC ay nagbunga sa pormalisasyon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MNLF at GRP. Baylateral na nagdeklara ng tigil putukan sa 13 prubinsya at 10 syudad sa Mindanao para bigyan-daan ang usapang pangkapayapaan. Nagbunga ang pormal na negosasyon sa lagdaan ng Kasunduan Tripoli (TA) ng 1976 sa Tripoli Libya.

Isinasaad sa kasunduan ang pagbibigay ng otonomiya sa napagkasunduang 13 prubinsya at 10 syudad. Ngunit makalipas lang ang ilang bwan muling sumiklab ang armadong sagupaan sa pagitan ng MNLF at GRP. Ginamit lang ng gobyerno sa gawaing inteledyens nito ang paglalabas ng pwersa ng MNLF panahon sa mga seremonya kaugnay ng kasunduang Tripoli. Naging plaspoynt ang Sulu, Zamboanga, Cotabato at Basilan sa muling pagsiklab na ito ng digmaan.

Bagaman nasa opensiba, tumanggap pa rin ng mga pagkatalo ang gobyerno sa punto ng mga sundalong namatay, nasirang mga kagamitang militar, at gastos sa pakikidigma. Muli, pinili ng gobyerno ang pagbabagong simula sa pormal na negosasyon para ilatag ang mga hakbang sa implementasyon ng TA ng 1976. Idagdag pa rito ang pananakot ng Iran na di-pagbebenta ng langis sa Pilipinas kung ipagpapatuloy nito ang karahasan sa mga Muslim sa Pilipinas.

Bago pa man naglagdaan sa kasunduang Tripoli, umigitng na ang hidwaan pampulitika at pang-ideolohiya sa loob ng orihinal na MNLF. Naging malinaw sa mga kumander ng MNLF na pangmatagalan ang magiging pakikidigma para sa kalayaan at kasarinlang Bangsamoro. Ilan sa kanila, kabilang ang tsir ng Kutawato Revolutionary Command na si Amelil Malaquiok at kagawad ng Komite Sentral mula Lanao na si Abdulkhayer Alonto ay nagsurender sa gobyerno kasama ang kanilang mga tauhan na nagdala sa kanilang mga armas.

Isang taon matapos ang pirmahan sa kasunduan, sinikap ng grupo ni Hashim na palitan sa pamumuno sa MNLF si Misuari. Inakusahan ng grupo ni Hashim ang huli sa pagiging Marxista-Maoista sa oryentasyon, monopolisasyon at pagiging arogante sa pamumuno. Hindi kinilala ni Misuari ang Instrument of Takeover na pinanguluhan ni Hashim sa pagtatangka nitong palitan si Misuari sa liderato ng MNLF. Hindi nakumbinsi si Misuari na bitawan ang pamumuno sa MNLF maging ng OIC at Muslim World League (MWL).

Nahati ang orihinal na MNLF sa tatlong grupo: ang kay Misuari, kay Hashim at ang kay Dimas Pundato. Ang una ay konsentrado sa arkipelago ng Sulu, ang pangalawa sa Gitnang Mindanao hanggang sa makuha nito ang pangatlong grupo sa Lanao na naging panandalian lamang. Sinasalamin ng paghahati ang katangiang tricentric ng mga grupong Moro sa bansa.

Prosesong Pangkapayapaan sa Pagitan ng MNLF at GRP. Bagaman inisyatiba ng gobyerno ang panawagan sa muling pag-upo sa usapang pangkapayapaan para ipinal ang implementasyon ng TA ng 1976, yunilateral pa rin ang naging pagkilos nito sa pagtatayo ng dalawang rehiyong otonomos – ang Rehiyong 11 at 12, sa halip na isa batay sa napagkasunduan. Idinaan rin ng GRP sa kontrolado nitong reperendum ang pagpapatibay ng naturang mga rehiyon.

Muling nagdeklara ng pakikidigma ang MNLF at pagbalik nito sa layuning sesesyunista. Ngunit sa kabila ng pagtatangka nitong kumawala sa pagkakakahon sa kanya ng gobyerno sa pamamagitan ng TA ng 1976, hindi na nito nagawang bawiin ang nawalang bwelo sa paglulunsad ng malakihang opensibang militar. Nagparang ampaw ang maya’t mayang panawagan nito para sa mga aksyong militar sa kanyang mga pwersa. Tanging ang mga pwersa nito sa Lanao ang paminsanminsan nakapaglunsad ng mga aksyong opensiba laban sa mga pwersang militar ng gobyerno mula sa huling mga taon ng dekada 70 hanggang unang kwarto ng dekada 80.

Noong 1986, muling binuksan ang pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MNLF at GRP. Ngunit hindi pa man umuupo ang dalawang panig sa pormal na negosasyon, muli na namang hinila ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Aquino ang mga paa ng MNLF palabas sa usapang pangkapayapaan. Pinagtibay ng gobyerno ang Autonomous Act of Muslim Mindanao kahiman wala pang klarong kasunduan sa MNLF. Itinayo ang ARMM ng walang anumang naging papel ang mga pwersang Moro. Muling nagsara ng pinto ang MNLF sa usapang pangkapayapaan. Mataas noon ang popularidad ng bagong pangulo na iniluklok ng mamamayan na nag-alsa laban sa diktador na si Fersdinand Marcos.

Muling nagbukas ng pinto ang MNLF sa pakikipag-usap sa GRP sa ilalim ng administrasyong Ramos. Naglagdaan sa isang FPA noong 1996. Malala ang krisis ekonomiya ng mga panahong ito. Nananatili ang banta ng kudeta ng mga sundalo laban sa administrasyon. Isa sa malaking mapagkukunan ng pondo ng gobyerno ay ang mga pondo mula sa pandaigdigang institusyong pananalapi tulad ng USAID, World Bank ADB, JICA, CIDA at iba pa na pawang nangangako ng tulong pinansyal kung magkakaroon ng pinal na kasunduan sa pwersang Moro ang gobyernong Pilipino.

Batay sa napagkasunduan sa FPA ng 1996, ipinuwesto si Misuari bilang gobernador ng ARMM at tsir ng Southern Philippines Council for Peace and Development (SPCPD). Instrukturang walang ngipin ang ARMM.. Nasa ilalim ito ng Office of the President ng Pilipinas, ang badyet nito ay daraan din sa aprubal ng Department of Budget Management (DBM) ng pambansang gobyerno. Wala itong karapatan mangulekta ng buwis at anumang rebenyu ng lalagpas sa P100,000. Makakakulekta lang ito ng bayad para permiso sa maliliit na mga bagay, tulad ng paglalagay ng mga sign board. Bukod pa rito, marami ng kaso ng korapsyon ang mga upisyal ng ARMM bago pa man umupo si Misuari bilang gobernador.

Ang SPCPD ay nilikha lamang bilang konsesyon para ipasok ang napagkasunduang 13 prubinsya at 10 syudad na tinukoy sa TA ng 1976. Pero sa totoo lang lahat ng mga proyekto nito ay dumaraan sa DBM at National Development Authority (NEDA) dahil tulad ng ARMM ito ay direktang nakapailalim rin sa Office of the President. Hindi lamang naging balon ng pera para sa korapsyon ng mga upisyal ng gobyerno ang pondong idinaan sa ahensyang ito ng pandaigdigang mga institusyong nabanggit. Ito rin ang ginamit para hatiin sa mga paksyon na nagbangayan sa pondo sa loob ng MNLF.

Ang ARMM at SPCPD ay ginawa lang bitag at observation post ng gobyerno sa pakana nitong pabagsakin si Misuari sa pamumuno sa mga pwersang Moro. Tulad ng inaasahan ng gobyerno, naging batayan nito ang kawalan ni Misuari ng magagawa para bigyan buhay ang otonomiya ang BANGSAMORO sa pamamagitan ng ARMM. Inakusahan si Misuari ng pagiging inipisyent at korap sa pamumuno niya sa ARMM at SPCPD.

Nabigyan ng batayan ang mga pwersang anti-Misuari sa loob ng MNLF. Nagtagumpay ang mga ito sa pagpapaalis sa kanya sa dalawang pwesto. Itinulak sa isang minor na pag-aalsa ng mga tagasunod niya sa Zamboanga ng ginawang pagpapaalis sa kanya sa pangunguna ng Council of 15. Ang naturang Council ay pinamunuan nina Farouk Hussin at Muslimin Sema na kinikilala ngayon ng gobyerno’t OIC na mga lider ng MNLF. Bunga nito nakakulong hanggang sa kasalukuyan si Misuari sa kasong sedisyon.

Sa kasalukuyang nahahati sa apat na paksyon ang MNLF. Pinakamalakas pa rin sa punto ng tao at armas ang paksyon sa ilalim ni Misuari na nakakonsentra sa Sulu. Noong Pebrero 2005, nakapaglunsad ito ng opensiba laban sa pandarahas militar sa Panamao, isang isla sa Sulu.

Mapapansin na sa pakikibakang pinamunuan ng MNLF ang pag-uurong sulong nito sa layunin nito sa pakikidigma. Nagsimula sa sesesyon, bumaling sa otonomiya at nitong huli bumalik sa layuning pagkakamit ng kalayaan bagamat, ayon sa isang lider sa ilalim ni Misuari, sa mapayapang pamamaraan.

Gayundin, malakas ang hila ng OIC sa MNLF batay sa prinsipyong Islam na kaugnay sa pagkakaroon ng ummah o pandaigidigang pag-iral ng dar-ul-Islam o pandaigdigang komunidad ng mga naniniwala sa Islam. Magpahanggang ngayon nakatali pa rin ang MNLF sa OIC.

Patuloy pa rin ang paggamit ng mga katunggali ng mga pwersang Moro sa taktikang hatiin-para-maghari sa pamunuan nito. Nagawa ng papet ng imperyalismong EU ng kasalukuyang gobyernong Pilipino na hatiin ang MNLF sa apat na paksyon nitong huli, at tatlo nauna dito noong ikalawang hati ng dekada 70.

Nangibabaw sa rebelyong MNLF ang damdaming anti-Pilipino sa halip na magkaroon ng malalim na pagsusuri sa papel ng imperyalismo, pyudalismo at burukarata-kapitalismo sa pagsasamantalang pang-ekonomiya at pampulitikang pandarahas na dinaranas ng mga mamamayang Moro sa ilalim ng kasalukuyang kaayusang panlipunan.

Tulad ng kolonyalistang Kastila, inaayon ng imperyalismong EU at papet na republika ang kanyang istratehiya’t taktika na nasasalamin sa mga palisiya nito sa iba’t ibang panahon, sa umiiral na kalagayang pampulitika, pang-ekonomiya at militar sa bansa.

Ang MILF, Kasaysayan at Prosesong Pangkapayapaan Nito sa GRP. MNLF-Hashim wing ang naging katawagan ng grupong nagluwal dito sa kanilang sarili ng ilang taon matapos ang paghihiwalay noong 1977. Noon na lamang 1984 pormal na tinawag ng grupo ang organisasyon nila bilang Moro Islamic Liberation Front. Hindi lang ito deklarasyon ng pagiging organisasyon na hiwalay sa MNLF. Pagpapahayag rin ito sa oryentasyong pampulitika nito na iba kaysa sa MNLF.

Parehong naniniwala ang MNLF at MILF sa iisang relihiyon na “nagbibigay sa kanila ng direksyon, diwa at pagiging isa” sa pagtatagumpay sa kanilang pakikibaka sa kabila ng ilang pag-iiba sa kanilang mga interepretasyon at aktwal na mga praktis. Sa mas maraming pagkakataon at mahabang panahon mas nangingibabaw sa pagitan nila ang diwa ng pagiging kumplementaryo ng kanilang mga pakikibaka.

Pareho silang naniniwala sa pagkabansa ng mga sultanatong Moro bago pa man dumating ang mga Kastila. Kinikilala nila pareho ang pagkakaroon ng iisang kasaysayan ng paglaban sa mga kapangyarihang mananakop para ipagtanggol ang kanilang tinubuang lupa at pagkabansa. Pareho nilang kinukundena ang ilegal at immoral na aneksasyon ng teritoryo at sambayanang Moro sa teritoryo’t mamamayang Pilipino. Kinukundena rin nila ang iba’t ibang anyo ng diskriminasyon na dinaranas nila mula sa mayoryang populasyong Kristyano sa Pilipinas. Hindi kailanman nila tinanggap ang pagtawag sa kanilang Muslim-Pilipino mula’t sapul. Kolonisasyong Pilipino ang tinuturing nilang kaaway ng Bangsamoro.

Bagaman nagkakaisa sila sa pangangailangang pagkakamit ng kalayaan ng bansa at mamamayang Bangsamoro, may malaking pagkakaiba sila sa kabuuang layunin. Para sa MNLF, ang pagkakamit ng kalayaan ang magbubukas ng daan para sa pagtatayo ng isang sekular na republikang Bangsamoro.

Pero para sa MILF, kinakailangang ang ganap na Islamisasyon ng sambayanang Moro matapos nitong makamit ang kalayaan. Para sa MILF kinakailangang tumagos ang mga prinsipyong Islamik sa aspeto ng ekonomiya, pulitika, panlipunan at personal ng buhay Moro. Hindi kailanman nagpahayag ng layuning pagtatayo ng isang estadong Islamik ang MNLF.

Mula sa pagbabase sa isang eryang istwari kung saan nagtatagpo ang mga sistema ng ilog at bay sa gitnang Mindanao, lumipat angpamunuan ng MILF sa bulubunduking bahagi ng gitnang Mindanao noong 1983. Napatunayan na sa mga armadong sagupaan ng dekada 70 ang mga bentahe sa pagbabase ng sa isang eryang istwari. Ngunit sa implementasyon ng bagong-buong programang pampulitika, tantya ng MILF na mas angkop ang isang baseng bulubundukin.

Pinili ng MILF ang bulubunduking eryang hangganan ng Maguindanao, Lanao del Sur at Bukidnon upang paunlarin bilang pangunahing baseng masa nito. Walang sinumang nagnanais magsaka ang magbibigay ng ikalawang tanaw sa pinagsamang kogonal, matubig, mabato at hind kailanman binungkal na lupain na kanugnog sa isang magubat at bulubundukin erya – para pag-isipang paunlarin. Pero ito ang ginawa ng mga lider ng MILF kasama sina al Haj Murad, Ghazzali Jaafar, Mohagher Iqbal, Udstadz Castro at Udstadz Ubak. Sinimulan nilang linisin ang erya para mapanirahan at mabungkal gamit ang pinasimpling mga kagamitang agrikultural noong 1983.

Mula noon ipinatupad ng MILF ang apat-na-puntong programa sa pagkilos ng MILF: ang dawa’h, pagtatayong organisasyunal, pagpapalakas-militar at pag-asa sa sarili. Ang dawa’h ay tumutukoy sa mga hakbang ng MILF para patatagin ang mga tagasunod nito sa pulitika at ideolohiyang paninindigan sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa Islam. Ayon sa pinuno ngayon ng peace panel ng MILF sa isang interbyu, palatandaan ng tagumpay nila sa aspetong ito sa kanilang programa ang lumalaking bilang ng mga nagsisipag-aral sa mga eskuwelahang Islamik o madrasah, mga hayagang pagpapakita ng kanilang pagka-Muslim halimbawa sa pamamagitan ng pagsunod sa isang koda sa pananamit, at pagdami ng sumasamba sa lumalaking bilang ng mga moske sa loob at labas ng rehiyong Muslim.

Noong 1987, itinayo ng MILF ang Abdulrahman Bedis Military Academy sa pusod ng erya bilang paghahanda sa pagpapalakas nito sa kanyang sandatahang lakas. Ang mga upisyal ng MILF na nagkaroon ng dalawang taong treyning militar sa hangganan ng Afghanistan at Pakistan ay bumalik para maging treynor sa naturang akademi. Kasama ang ilan pang kadre na naunang nagtreyning sa Malaysia sa pagbubuo pa lang ng pinanggalingan nitong MNLF, sa ilalim ng mga mersenaryong Ingles, sila ang bumuo sa istap ng akademi.

Nagtayo ng isa pang eskuwelahang militar ang MILF sa Camp Abubakar, ang Ibrahim Military Academy. Sumunod na nagtayo ang MILF ng iba pang mga military academy sa iba pang mga kampo nito. Bago ang todo gyera ng administrasyong Estrada laban sa MILF, ang mas maikling mga kursong militar ay idinaraos sa maliliit na mga kampo ng MILF, tulad ng Camp Jababal sa hangganang Sarangani-South Cotabato-General Santos.

Noong taong 1998, sinasabi ng MILF na nakapagbuo at nakapagsanay ito ng isang hukbo na may anim na dibisyon ng mga mujaheedin o mandirigmang Moro. Gayunpaman tinataya ng ilang pampulitikang tagasuri lakip na ang inteledyens ng EU na mas o menos mayroon lang itong 35,000 – 40,000 armado at pultaym na mandirigma. Sa mga seremonya sa iba’t ibang kampo ng MILF para salubungin ang Advance Survey team ng International Monitoring Team noong 2005, naglabas ito ng mahigit sa kabuuan na 20,000 na mga mandirigma sa mga kampong pinagdausan ng hiwahiwalay na seremonya at inispeksyon ng team.

Lakip sa gawaing pagtatayong organisasyunal ng MILF ang pagtatayo ng mga komite mula sa antas ng barangay pataas sa distrito. May katumbas na istruktura ito sa usaping dyudisyal, ang korteng Shariah mula sa Barangay Reconciliation Committee tungo sa District Shariah Court. Lubusang gumana ang mga istrukturang ito sa loob ng Camp Abubakar bago ang todong gyera ng taong 2000.

Sa aspeto ng pag-asa sa sarili, kalakaran sa MILF ang balik-pagsasaka o anumang ikabubuhay ng malaking bulto ng pwersa nito matapos ang mga treyning sa kanila. Bumabalik sila sa panahon ng karagdagang treyning o malawakang mobilisasyon laban sa opensiba ng kaaway, halimbawa ang todong pakikidigma ng administrasyon Estrada noong taong 2000 sa Camp Abubakar. Dagdag pa rito ang pagpapaunlad nila sa paggawa ng sariling armas tulad ng bantog na ginagawa nitong rifle propelled gun o RPG.

Nagsimulang mapuno ang erya ng mga treyni at mga mandirigma ng MILF. Ilang bilang ng mga treyni at mga mandirigma ang nagdesisyong mamirmihan at magsaka sa erya. Sinunod na itinayo ng MILF ang isang eskuwelahang Islamik na dinarayo ng mga mag-aaral na Moro mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nagtayo na rin sa loob ng erya ng regular na mga eskuwelahang pampubliko mula grade school hanggang high school. Nagkaroon rin ng mga extension work ang isang kolehiyo sa erya na nagbukas ng pag-aaral sa ilang kursong masteral para sa mga upisyal at mandirigmang Moro na interssado sa pagpapatuloy ng kanilang itinigil na pag-aaral.

Unti-unti napuno ang erya ng mga maliliit na pamumuhunan tulad ng mga karinderya, tindahan, drusgstore, hardware, mga botik. Yumabong ang ilang barangay sa erya. Ito ang naging sentro ng pinakamalaking “kampo” ng MILF, ang Camp Abubakar.

Dito, sinikap ng MILF na ipakita ang bisyon nila ng isang estadong Islamik. Prinaktis dito ang ilang palisiya na tingin nito ay angkop na mga prinsipyong Islam sa larangan ng ekonomiya, pulitika, dyudisyal at sosyo-kultural. Nagtayo ang MILF ng mga istruktura sa sangay ehekutibo, lehislatura at dyudisyal.

Ang Komiteng Tagapagpaganap ng MILF ang tumayong Jihad Executive Committee na siyang namumunong istruktura sa sangay ehekutibo ng shadow government na pinatakbo ng MILF sa panahong umiral ang Camp Abubakar bilang sentro ng kapangyarihang pampulitika ng MILF. Mula rito umaabot ang kapangyarihang pampulitika nito sa iba pang “kampo” o baseng masa ng MILF sa Mindanao at Sulu, at maging sa labas pa ng mga nito.

Sa puntong ito, dapat ilinaw na ang tinatawag na kampo ng MILF sa katunayan ay baseng masa nito. Sa pormal na negosasyon kaugnay ng pagkilala dito ng gobyerno, mungkahi ng MILF na tawagin ito bilang mga teritoryo nito. Pero iginiit ng GRP na tawagin itong mga “kampo” ng MILF. Pag-iwas ito ng gobyerno sa pagbibigay ng istatus ng pagiging pwersang belligerent sa MILF kung kikilalanin ng una na may mga teritoryo ang huli.

Ang Majlis-as-shura ang itinuturing na sangay sa lehislatura ng shadow government na itinayo ng MILF. Sinasabing itinayo ito noong 1991. Binubuo ng 80 mga myembro, sinasabing nagdaos ito ng unang kongreso noong 1992. Ayon sa inteledyens, kabilang sa mga myembro nito ang ilang lider-pulitikong Moro na hayagang nagtatanggol sa MILF sa ilang usapin. Noong 1996, sinimulan ng MILF ang pakikipag-ugnayan, bagaman impormal sa Communist Party of the Philippines- New Peoples Army-National Democratic Front. Pinormalisa ang ugnayang pampulitika ng dalawa noong 1998. Unang-una ang NDF sa pagpapahayag ng suporta nito sa MILF noong panahon ng todong pakikidigma ng GRP laban dito noong taong 2000.

Mapapansin sa apat-na-puntong programa ng MILF ang kawalan ng paninindigan nito sa usapin ng programang agraryo. Pangangatwiran ng ilang ininterbyu, nasa paniniwalang Islam naman ang pagtingin sa kagalingang panlipunan ng mga mamamayang Moro, kabilang na ang mga magsasakang Moro. Maging sa loob ng Camp Abubakar tersyo ang umiiral na hatian sa ani ng palay at kopra. Dagdag na pangangatwiran na kailangan ang patuloy na pinakamalawak na nagkakaisang prente, lakip ang mga panginoong maylupa, sa kasalukuyang pakikibakang Bangsamoro para sa pambansang kalayaan at kasarinlan.

Sa huling hati ng dekada 90, naglunsad ng mga kampanyang propaganda ang MILF para nyutralisahin kundiman makuha ang suportang pampulitika ng mga sektor na nakakaimpluwensya ng malaki sa opinyong bayan: mga taong-simbahan, taong-midya, akadim, lider-pulitko, at tauhang NGO. Binuksan nila sa publiko ang Camp Abubakar. Naging laman ang MILF ng mga pahayagan, programa sa radyo’t telebisyon at talakayan ng mga institusyon tulad ng simbahan. Kaalinsabay nito, naglunsad ang Ulama-Professional League ng Bangsamoro Peoples Consultative Assembly sa Crossing Simuay Sultan Kudarat Maguindanao noong 1997. Iniulat na dinaluhan ito ng may isang milyong delegado mula sa iba’t ibang grupong Moro at maging katutubong di-Moro mula sa iba’t ibang erya ng Bangsamoro sa Mindanao at Sulu.

Hindi na mababalewala ang lakas ng MILF tulad ng ginawa ng administrasyong Aquino dito noong 1986. Hindi gumawa ng anumang hakbang ang naturang administrasyon para magkaroon ng pormal na negosasyon sa grupong Islamista sa kabila ng pagpapakita nito ng pwersa sa isang 75,000-lakas na asambleya sa Darapanan Maguindanao, paglulunsad ng matatagumpay na mga opensibang militar at pormal na paghiling ni Hashim na pag-isahin ang pakikipag-usap ng gobyerno sa grupo niya at sa MNLF.

Noong 1997, matapos ang ilang taong paglulunsad ng mga kampanyang militar laban sa MILF sa iba’t iba nitong malalakas na baseng masa – Maguindanao, Basilan, Lanao at Zamboanga na tumanggap ng mga pagkatalo, nag-inisyatiba ang administrasyong Ramos sa pagsisimula ng usapang pangkapayapaan sa Islamistang grupo. Dagdag na rason pa rito, na maaaring ituring na pangunahin para sa gobyerno, ay ang paghahangad sa pondong salaping pangako ng mga pandaigdigang ahensya na ibibigay sa Pilipinas sa nsadaling magbunga ang usapang pangkapayapaan sa MILF ng isang isang pinal na kasunduan tulad ng sa MNLF. Gayundin, sa pagpirma ng MNLF sa Pinal na Kasunduan nito sa gobyerno noong 1996, ang pakikipag-sap sa MILF ang susunod na hakbang para sa paglutas ng usaping Moro para sa gobyerno. Nagbunga ang inisyatiba ng administrasyong Ramos sa Agreement for General Cessation of Hostilities noong Hulyo 21, 1997 at sa upisyal na deklarasyon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawa sa Agreement of Intent noong Oktubre 27, 1998 sa ilalim na ng administrasyong Estrada.

Para sa pagpapatupad ng kasunduan sa pangkalahatang tigil-sagupaan, kinilala ng GRP ang walong mayor sa total na 47 na mga “kampo” ng MILF kung saan ipapatupad ang naturang kasunduan. Unang kinilala ang magkaratig na Camp Abubakar at Camp Busrah Somiorang sa mga prubinsya ng Maguindanao at Lanao noong Pebrero 1999. Sumunod dito ang Camp Bilal (dalawang prubinsya ng Lanao), Camp Rajamuda (North Cotabato at Maguindanao) at iba pa sa prubinsya ng Maguindanao noong Oktubre 1999.

Ito at ang masiglang kampanyang propaganda ng MILF sa iba’t ibang sektor ng lipunan – Moro at hindi, ang nagpakaba sa gobyerno, lalo na sa ilang upisyal sa isang klik sa militar na kiling sa solusyon militar sa usaping Bangsamoro. Hindi sila gaanong nababahala sa pagkakanyutralisa o pagkakuha ng suporta ng ilang impluwensyadong sektor sa lipunan tulad ng simbahan. Mas tumututol sila sa pagkilala ng gobyerno sa mga “kampo” ng MILF na sa tingin nila ay birtwal na nagbigay sa grupong Islamista ng status of belligerency na magagamit nito sa pagpapataas ng negosasyon sa pandaigdigang antas ng diplomatikong resolusyon sa usapin

Kaalinsabay ng pagbaba sa reyting ng administrasyong Estrada bunga ng sunud-sunod na mga eksporsyur sa mga kaso ng korapsyon nito, huwag nang idiin ang kagustuhan rin nitong sumawsaw sa mga pondong nakalaan sa Mindanao at Sulu mula sa mga pandaigdigang institusyong pampinansyal kung magkakaroon ng pinal na kasunduang pangkapayapaan, naglunsad ito ng todong pakikidigma laban sa MILF noong taong 2000. Sinimulan sa karatig na mga kampo ng MILF sa Lanao del Norte, Maguindanao at North Cotabato. Pinuruhan ng opensiba ang Camp Abubakar. Sinimulan ang tatlong buwang pagbobomba at grawd asolt sa kampo anim na oras matapos ang pirmahan sa kasunduan para pigilan ang sagupaan sa Cotabato City noong Abril 2000.

Diniklara ni Estrada ang tagumpay ng opensiba noong Hulyo 2000. Sinasabi ng ilan batay sa mga inilabas ng gobyerno mismo na gumastos ang gobyerno ng P50 milyon sa isang araw sa loob ng tatlong buwang pakikidigma nito laban sa MILF, Sa kabuuan, tinatayang gumastos ang gobyerno ng hindi bababa sa P7.5 B sa opensibang ito.

Ang opensiba ng 2000 ng gobyerno ay nagtulak sa MILF na ireiksamen ang kanyang istratehiya, ireposisyon ang kanyang mga pwersa at gumawa ng adyasment sa pang-araw-araw na pagkilos nito. Ilang buwan matapos ang pagdiriwang sa inakalang tagumpay ng gobyerno sa harap mismo ng Abdulrahman Bedis Military Academy, nagdaos ng isang pagpupulong ng Komite Sentral (KS) ng MILF sa ibang erya sa loob ng kampo. Sa loob ng Camp Abubakar rin idinaos ang pagpupulong ng KS ng MILF ng maghalal ito ng bagong tsir ilang lingo makalipas ang pagyao ng unang tsir nito na si Salamat Hashim noong 2004.


Dito nagtapos ang unang rawd sa pormal na usapang pagkapayapaan sa pagitan ng MILF at ng GRP na nagbunga sa paglagda ng dalawang panig hanggangnoong 2005 sa 36 na mga kasunduan, pinagsamang mga pahayag, pinagsamang pagkilala sa mga kampo at iba pang mga dokumento.

Muling nagbukas ng pinto para sa usapang pangkapayapaan sa MILF.Si Gloria Arroyo mismo ang personal na humingi ng tulong kay Mohammad Mahathir na Prime Minister noon ng Malaysia para ipagpatuloy ito noong 2001. Sa loob ng isang taong pag-upo sa pormal na negosasyon, lumagda ang dalawang panig sa Agreement of Peace sa Tripoli Libya noong Hunyo 2001. Dito inilatag ang tatlong puntong lalamanin ng talakayan sa pagpapatuloy ng pormal na negosasyon: ang mga aspeto ng seguridad; yumanitaryan, rehabilitasyon at kaunlaran; at lupang ninuno.

Kagyat na nilagdaan ang Guidelines for the Implementation ng mga pinagkasunduan sa aspeto ng seguridad noong Agosto 7, 2001. Sumunod dito ang Guidelines for Implementation sa aspetong yumanitaryan, rehabilitasyon at kaunlaran noong Mayo 7, 2002 sa kabila ng suspension ng pormal na negosasyon noong Marso 2002 sanhi ng mga paglabag sa baylateral na kasunduang tigil putukan.

Noong Pebrero 2003, ganap na pinutol ng MILF maging ang di-pormal na pakikipag-usap nito sa GRP nang muling maglunsad ang huli ng todong pakikidigma laban dito na tumarget sa Buliok Complex kung saan humimpil ang pamunuan ng MILF sa pangunguna ni Salamat pagkatapos ng gyera sa Camp Abubakar.. Tulad ng naunang todong pakikidigma ng administrasyong Estrada ginawa na namang dyastipikasyon sa paglulunsad ng opensibang militar ang pagtugis sa mga elementong kriminal na sinasabing nagkakanlong sa mga teritoryo ng MILF.

Sa pagitan ng mga usapang eksploratori sa pagitan ng dalawang panig mula noong Marso 2003, nagkaroon ng mga serye ng bombahan na isinisisi ng ilang upisyal sa militaristang klik sa loob ng militar sa MILF. Lakip na rito ang kumitil sa maraming buhay na pamomomba sa Davao International Airport at Davao Wharf noong Abril at Mayo 2003.

Dagdag pa rito ang walang tigil na pag-aakusa ng mga upisyal sa klik na ito na nagkakanlong at nagbibigay ng treyning ang MILF sa mga kampo nito sa mga myembro ng Jemayaah Islamiyyah (JI). Ang JI ay sinasabing kakutsabang grupo sa Asya ng al-Qaeda ni Bin Laden, na inaakusahan ng EU na nasa likod ng trahedyang Setyembre 11 2000 o ang sabayang pagbobomba sa mga bilding ng World Trade Organization sa New York, USA.

Noong huling hati ng nakaraang taong 2003, muling nagwasiwas ng pondong salapi ang imperyalismong EU na nakalaan daw sa pagpapaunlad ng mga eryang Bangsamoro kung magkakapirmahan sa isang Final Peace Accord ang MILF at ang GRP. Said sa pondong pinansyal, kinakagat ng administrasyong Arroyo ang presyur ng imperyalismong EU para muling umupo sa isang pormal na negosasyon sa MILF. Kailangan rin ng imperyalismong EU na bawasan ang init bunga ng patuloy na agresyon nito sa Iraq, Afghanistan at pagtataguyod nito sa Israel laban sa Palestine sa pamamagitan ng pagpapakita na may ginawa ito para magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao kahima’t panandalian.

Sa puntong ito ng usapang pangkapayapaan na pangunahing binubroker ng Malaysia, gumawa ng hakbang ang MILF sa pamamagitan ng pagsulat ni Hashim nang nabubuhay pa ito kay George Bush. Nagkaroon ng bulungbulungan na gustong pumapel ng lubus ng imperyaslimong EU sa usapan sa pamamagitan ng pagpapaliit ng papel ng Malaysia dito. Maninindigan ang MILF sa pagpapatuloy ng pagiging pasiliteytor ng Malaysia sa usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng GRP. Kung magkakaroon ng bagong kaayusan sa negosasyon, malamang sa hindi mapawalang bisa ang mga kasunduang nilagdaan sa nakaraang mga rawd ng pormal na usapan.

Bago ang kasagsagan ng eleksyong presidensyal ng taong 2004, nagsagawa ng inspeksyon ang advance survey team ng pinamumunuan ng Malaysia na International Monitoring Team (ITM) sa mga kampo ng MILF noong Marso 2004 bilang paghahanda sa pormal na negosasyon. Sumunod dito ang pagdating ng buong pwersa ng ITM na sumusubaybay ngayon sa obserbasyon ng tigil-putukan sa panahon ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP.

Nitong Abril 2005, nagdaos ng unang rawd ng pormal na usapan kaugnay sa usapin ng lupang ninuno ng mga grupong Moro. Naisahapag at nagkaroon ng pagkakasundo sa ilang maseselang mga bagay kaugnay ng usapin. Sa kasalukuyan nababalahura ang usapan kaugnay sa usaping lupang ninuno ng Bangsamoro. Iginigiit ng MILF ang pagsasauli sa mga Moro ng mahigit sa isang libong barangay na hindi sakop ng ARMM.


Sa usapang pangkapayapaang ito, nagbukas ang MILF sa iba pang opsyon sa paglutas sa usaping Moro, bagamat hindi tahasang binibitiwan ng MILF ang panawagan nito para sa isang hiwalay at malayang estadong Islamik. Lakip sa mga opsyong ito ang pagkakaroon ng istatus bilang komonwelt ng teritoryong Moro, pagiging bahagi ng isang asosasyon ng mga malayang estado sa kasalukuyang Pilipinas at kaayusang pederal.

Hindi na rin iginiggit ngayon ng gobyernong Pilipino ang iginiit nitong borador sa isang pinal na kasunduang pangkapayapaan noong 2004. Tahasang pagsuko ng MILF ang nilalaman ng naturang borador. Lakip sa mga probisyong ito ang pagdidis-arma at pag-iintegra sa ilang bilang ng mga mandirigmang Moro sa AFP. Maaasahan ang pagtutol ng malaking bilang ng mga nakababatang upisyal ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng MILF sa probisyong ito at ang kanilang pagbubuo ng hiwalay na grupong Moro malaman kaysa hindi ay mas rebolusyonaryo ang panawagang pampulitika.

Kaalinsabay nito, magkasama ang dalawang panig sa paglulunsad ng isang operasyong opensiba laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) na nagkakanlong diumano sa erya ng MILF sa Gitnang Mindanao bilang bahagi ng implementasyon ng kasunduan sa aspeto ng seguridad sa Kasunduan para sa Kapayapaan ng 2002. Ilang barangay ng mga Moro ang kinailangang lumisan sa pagbibigay daan sa opensibang ito. Malamang sa hindi hindi tatanawing positibo ng malaking bahagi ng mga mamamayang Moro ang mga hakbang na ito ng MILF.


KONGKLUSYON

  1. Antikolonyal ang ipinatampok na panawagan sa pagmomobilisa para sa pakikibakang Moro magpahanggang sa kasalukuyan sa ilalim ng MNLF at MILF.

Mula’t sapul, apat na raang taon na ang nakakaraan, ang mga rebolusyonaryong pwersang Moro ay lumalaban sa mga kapangyarihang kolonyal o itinuturing nitong kolonyal. Ang mahigit sa tatlong siglong Digmaang Moro-Kastila ay paglaban para ipagtanggol ang kanilang pambansang kalayaan at kasarinlan laban sa mga pagtatangka ng kolonyalismong Kastila kolonyahin ang kabuuan ng Mindanao, arkipelago ng Sulu at Palawan. Sa panahon ng pakikidigma ng mga grupong Moro laban sa nangongolonyang kapangyarihang pyudal, angkop at sapat ang panawagang antikolonyal.

Pagpasok ng ika-20 siglo, sa panahon ng imperyalismo, tumampok sa hiwahiwalay na mga pag-aalsa sa Kamorohan ang pagtatanggol ng mga angkang Moro sa kanikanilang mga lupang ninuno. Nag-alsa sila laban sa malawakang pangangamkam sa kanilang mga lupa ng dayuhang mga agrokorporasyon, mga panginoong maylupa, mga ispekulador sa lupa at gobyernong nagpatupad ng mga programa sa setelment sa iba’t ibang panig ng bansa, lakip na sa Mindanao, sa unang mga dekada ng direktang paghahari ng imperyalismong EU sa bansa. Naging instrumento sa pangangamkam ng lupa ang mga batas sa pagmamay-ari at paggamit sa lupa na sapilitang ipinatupad sa mga teritoryong Moro kung saan mas namamayani ang tradisyunal na sistema sa pagmamay-ari at paggamit sa lupa.

Sa ikatlong yugto, ang Digmaang Moro na nagsimula noong dekada 70 at nagpapatuloy hanggang ngayon, ang 1) patuloy na pangangamkam sa kanilang mga lupang ninuno; 2) mga karahasan at iba’t ibang tipo ng diskriminasyong dinaranas ng mga mamamayang Moro sa kamay ng malaking bilang sa mayoryang Pilipino; 3) pagpapatuloy sa pwersahang aneksasyon ng Kamorohan sa kasalukuyang Pilipinas at 4) walang awang pamamaslang ng militar sa mga mamamayang Moro, ang nagpakilos ng mabilis sa malawak na mamamayang Moro.

Sa paniniwalang ang pagpapatuloy ng pwersahang aneksasyon ng Kamorohan at kaakibat na mga pagsasamantala at mga pang-aapi ng mayorya sa kanila, ay isang anyo ng kolonyalismo – ang tinatawag nilang kolonyalismong Filipino – pinatampok ng mga armadong prenteng Moro ang panawagang antikolonyal sa pagmomobilisa sa malawak na sambayanang Moro laban sa gobyernong Pilipino. Pinalaganap pareho ng MNLF at MILF na ang gobyernong Pilipino ay gobyerno ng mga dayhan o gobierno a sarwang a tao.

Batay sa panawagang antikolonyal, pinursige ng MNLF ang paggigiit sa pambansang kalayaan bago ang pirmahan sa TA ng 1976 sa pagitan nito at ng gobyerno. Ipinagpatuloy ang panawagan para sa isang malayang estadong Bangsamoro ng MILF hanggang sa upisyal na pagbubukas sa iba pang opsyon – matapos ang inisyal na usapan sa usaping ninuno ng Abril 2005.

Nagbibigay ng rebolusyonaryong nilalaman ang panawagang antikolonyal pareho ng MNLF at MILF sa pakahulugang nanawagan ito ng paghiwalay sa isang estadong mapanikil at mapagsamantala tulad ng sa Pilipinas. Ngunit ang pagkakahon ng pakikibakang Moro sa panawagang ito lamang ay nagpapakitid sa kabuuang katangian na dapat tahakin nito para sa pagkakamit ng habangbuhay at ganap na kalutasan sa apat na siglo nang pakikibaka ng sambayanang Moro.

Bagamat nagkaroon ng paglaban, malawak at malalim ang naging pagbabago sa lipunang Moro mula sa isang lipunang pyudal 300 taon na nakalilipas tungo sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunang walang batayang pagkakaiba sa kabuuan ng lipunang Pilipino. Naging mabilis ang panloob na pagbabago sa lipunang Moro pagpasok ng imperyalismong EU sa bansa sa pagbubukas ng nakaraang siglo. Hindi naiwan ng kasaysayan ang lipunang Moro sa aspetong ito ng panlipunang pagbabago sa kabuuan ng lipunang Pilipino, kahimat nahuli ito ng ilang dekada ikumpara sa mga teritoryong di-Moro sa Pilipinas.

Marami sa mga datu at mga sultan na dati rati’y tagmustahak o administrador ng mga lupang ninuno sa ngalan ng angkan ay mistula ngayong mga panginoong maylupa- luma at bagong tipo – sa pagkontrol sa naturang mga lupain. Ang ilan sa kanila ngayon ay tuwirang nakikipagsosyo sa mga agrokorporasyong pag-aari o kontrolado ng mga dayuhan. Halimbawa dito ang pamilyang Paglas na nagpaparenta ng lupain dati’y lupang ninuno sa La Frutera, Inc., isang suplayer ng saging na pang-eksport at may plantasyon sa Maguindanao. Umusbong na ang uring burgis komprador at mga burukrata kapitalista sa hanay ng mga Moro.

Malaki na rin ang bilang ng mga dating sakop o myembro ng mga angkan na dati rati’y komunal ang pagmamay-ari at paggamit sa lupa, ang ngayon ay mga magsasakang nagmamay-ari o hindi ng mga lupang sinasaka. Lumalaki rin ang bilang ng mga magsasakang Moro na naghahangad ngayon ng sariling tituladong lupang sakahan.

Ilan sa mga lupang ninuno ang ipinamahagi at indibidwal na pinatituluhan sa mga sakop ng angkan. Ang ilan ay pinabayaran ng mistulang panginoong maylupang dati rati’y tagmustahak sa loob at labas ng implementasyon ng mga batas sa lupa tulad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Pangunahing adhikain ngayon ng malawak na mamamayang Moro na malaking bahagi ay mga magsasaka ang pagkakaroon ng lupang sakahan tulad ng kanilang mga kapatid sa uri sa hanay ng mga Kristyano.

Ang pagdiriin sa panawagang antikolonyalismong Filipino sa paglulunsad ng pakikibakang Moro ay nagpapalihis sa katangiang antipyudal at antiimperyalista na dapat taglayin nito para sa ganap na kalutasan ng kanilang mga suliraning panlipunan. Hindi naipapaunawa sa malawak na mamamayang Moro na kasama sila ng mayoryang Pilipino sa pagbalikat sa tatlong mayor na suliraning panlipunan – ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Ang pagdiriin sa kolonyalismong Filipino bilang pangunahing suliraning panlipunan ng mamamayang Moro ang salik na naghihiwalay sa pakikibakang Moro mula sa pagiging parsela’t bahagi ng pambansang demokratikong rebolusyong Pilipino. Inilalayo ng panawagang ito ang malawak na masang Moro sa rebolusyong dapat nilang kasangkutan para sa kanilang makauri at panlipunang kapakanan.

Sumusunod sa pananaw pampulitika nito, hindi sinamantala ng MNLF ang pagkakaupo nito sa ARMM ang pagkakataong magbuo ng isang programang agraryo batay sa partikular na kalagayang agraryo sa kanilang hanay. Isa ito sa mga probisyon ng batas na lumikha sa rehiyon.

Hindi rin nagsasalita ukol sa repormang agraryo ang MILF. Una sa lahat, pinangangalagaan nila ang mabuway na kasapian ng kanilang prente na binubuo ng iba’t ibang armadong grupong Moro. Ilan sa mga grupong ito ay patuloy sa paglaban para bawiin ang mga lupang ninuno na kinamkam mula sa kanikanilang angkan. Ilan sa mga namumuno sa mga armadong angkang ito ang malamang sa hindi, hindi susuporta sa panawagan para sa pagpapatupad ng isang programang agraryo sa kanilang hanay.

  1. Ang pakikibakang Moro hanggang sa kasalukuyan ay inilulunsad ng malalawak na mga armadong prente na binubuo ng hiwahiwalay na mga armadong grupo sa hanay ng iba’t ibang grupong Moro sa ilalim ng pamumuno ng isa sa tatlong mayor na grupong Moro.

Noong panahon ng kolonyalismong Kastila, pinamunuan ni Sultan Kudarat ng sultanatong Maguindanao ang pinakamalawak na prente na namuno sa paglulunsad ng pakikidigma laban sa kolonyal na kapangyarihang ito sa pinakamatagal na panahon. Ang unang serye ng mga kampanyang militar sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nagtapos sa hiwalay na pakikipagkasundo sa kolonyal na gobyernong Kastila na kinatawan ni Fr. Alejandro Lopez at sultanatong Maguindanao sa ilalim ni Kudarat ( Kasunduang Kudarat – Lopez ng 1645) at ng sultanatong Sulu na kinatawan ni Sultan Bongsu ( Kasunduang Bongsu-Lopez ng 1646).

Bago at sumunod sa pakikidigma sa ilalim ni Sultan Kudarat, naglunsad ang iba’t ibang armadong prenteng Moro na binubuo ng iba’t ibang grupong Moro sa iba’t ibang panahon. Noong 1719, ang pinagsamang pwersa ng mga Tausug at Iranun ang nakipaghamok sa mga Kastila laban sa pagtatangka ng mga pwersang kolonyal na gawing basalyo ang mga sultanatong Moro. Tinalo naman ng pinagsamang pwersang Iranun at Tausug ang mga pwersang Kastila sa Kabisayaan nang mga panahon ding ito.

Sanhi ng malaking panghihina ng mga sultanatong Moro sa panahon ng direktang paghahari ng imperyalismong EU sa Pilipinas, naging hiwahiwalay at putaputaki ang paglaban ng mga armadong grupong Moro sa naturang kapangyarihan. Ang mga pag-aalsang ito ay pinamunuan ng lokal na mga lider sa iba’t ibang bahagi ng Kamorohan laban sa pangangamkam ng kanilang mga lupang ninuno.

Muling nagkaisa at nakapagbuo ng isang malawak na armadong prente mula sa iba’t ibang grupong Moro sa pagtatatag ng MNLF noong dekada 70. Ang unang Komite Sentral nito ay pinamunuan ng isang Tausug, si Nur Misuari bilang tsir, kasama ang isang Maranao, si Abulkyaher Alonto, at isang Maguindanao, si Salamat Hasim bilang mga bise-tsir.

Kinapalooban ang MNLF ng mga lider-Moro na may iba’t ibang idolohiya’t oryentasyong pampulitika. Si Misuari at mga kasangga niya ay sekular ang pananaw pampulitika, si Salamat ay mas relihiyoso. Ganito rin sa punto ng makauring pananaw. Si Misuari ay mula sa panggitnang uri o maliit na burgesya at nabibilang sa saray ng mga intelektuwal. Si Alonto at Salamat ay mula sa uring panginoong maylupa at nabibilang sa dugong bughaw o tradisyunal na liderato sa loob ng kanyakanyang grupong Morong kinabibilangan.

Naging mabilis ang muling pagbubuo ng isang malawak na nagkakaisang prente na namuno sa paglulunsad ng armadong paglaban sa gobyernong Pilipino. Hindi naging mahirap na ipunin ang hiwahiwalay na mga armadong grupo sa hanay ng iba’t ibang grupong Moro sanhi ng umiiral na warlordism bunga ng sumusunod:

Matinding kahirapan na nagtulak sa mga mahihirap na Moro sa antisosyal na mga aktibidad tulad ng kidnap-for-ransom para mabuhay;

Patungpatong na diskriminasyon at karahasang dinaranas ng mga mamamayang Moro sa loob ng umiiral na kalakarang panlipunan; at

Patuloy na praktis ng rido o ubusan ng lahi sa pagitan ng mga angkan, ang ilan ay sanhi ng pangangamkam ng lupang ninuno.

Madaling nagliyab ang pakikidigmang Moro noong dekada 70 sa ilalim ng pamumuno ng MNLF dahil sa sumusunod:

Walang taros na pandarahas sa eleksyon ng 1969 na nagpaalis sa pampulitikang posisyong elektoral sa mga lider-Moro maging sa mga eryang mayorya sila;

Serye ng mga masaker na isinagawa ng sabwatang militar-ILAGA laban sa mga Moro;

Ang JABIDAH masaker; at

Ang maigting na pakikibaka ng mga mamamayang Arabo, Palestino at iba pang mamamayang Muslim at hindi sa Gitnang Silangang Asya para sa kanilang pambansang kalayaan, laban sa Zionismo at iba pang tipo ng reaksyon.

Bunga ng mga nabanggit naging madali rin ang pangangalap ng mga tulong pinansyal at lohistikal para sa paglulunsad ng pakikidigmang Moro noong dekada 70 sa loob at labas ng bansa. Bukod sa pagpapapasok ng mga armas mula sa ibang bansa, ilang taon rin na binigyan rin ang MNLF ng santwaryo’t kampo para sa pagtretreyning militar sa labas ng bansa.

Ngunit pagkaubos sa unang mga bugso ng mga tulong pinansyal at lohistikal at ang papaunti nang pagpasok ng mga ito mula sa labas, unti-unting namayani ang demoralisasyon sa hanay ng mga upisyal at mga mandirigmang Moro. Lalo pa itong naging seryoso sa realisasyon na hindi magiging madali ang pagkakamit ng tagumpay sa pakikidigma laban sa mas malakas na pwersa ng gobyernong Pilipino ikumpara sa MNLF maging sa mga unang mga taon ng pagkakatatag nito nang malakas ang suporta sa kanila mula sa labas ng bansa.

Unang una sa mga sumurender o naglaylo sa hanay ng mga upisyal at mga mandirigmang Moro ay yon 1) mga lumahok lamang para makapaghiganti sa pagkamatay ng mga myembro ng mga pamilyang biktima ng masaker at iba’t ibang tipo ng diskriminasyon laban sa mamamamayang Moro bago itatag ang MNLF; at 2) mga upisyal na mula sa uring panginoong maylupa at angkang tradisyunal na namumuno sa hanay ng kanyakanyang grupo.

Isa sa mga unang sumurender kasama ng kanyang mga tauhan at dala ang kanikanilang mga armas ay ang bise-tsir nito na si Alonto, isang kabataang intelektwal at mula sa isang tradisyunal na angkang Maranao. Bilang pabuya ng gobyerno sa kanyang pagsurender at pang-enganyo ng iba pa para sumurender, binigyan siya ng mga eryang konsesyon sa pagtrotroso at prankisa sa pag-eeksport ng bangus fingerlings, isang malaking industriya sa kanyang prubinsya ng Lanao.

Isang taon matapos ang pirmahan ng TA ng 1976, nahati ang MNLF sa tatlong grupo ayon sa paniniwalang pampulitika at grupong etnolingwistikong kinabibilangan ng mga namumuno. Ang isa ay nagpatuloy sa ilalim ng pamumuno ni Misuari, isang Tausug at sekular na intelektwal. Ang pangalawa ay pinamunuan ni Salamat, isang Maguindanao na lider relihiyoso. Ang pangatlo na tumagal lamang ng ilang buwan ay pinamunuan ng isang Maranao, si Dimas Pundato, isang Maranao na dating hepe ng kapulisan sa Marawi na nagrereklamo sa mabagal niyang promosyon. Kalaunan, ang MNLF sa ilalim ni Salamat ay nagtatag ng hiwalay na armadong prente, ang MILF.

Sa bahagi ng gobyerno, gumawa rin ito ng mga hakbang para sa patuloy na paghahati sa kasapian at pamunuan ng MNLF dagdag sa pagbibigay ng pabuya sa mga nagsurender mula sa hanay nito. Isa sa mga hakbang ay ang pagbubuo ng mga bayan at pagnonombra ng mga tradisyunal na lider-Moro na sumuporta sa MNLF sa unang bugso ng rebelyong pinamunuan nito. Halimbawa, binuo ang bayan ng Datu Paglas mula sa mga erya sa bayan ng Buluan sa bayan ng Buluan sa prubinsya ng Maguindanao at karatig na mga bayan sa prubinsya ng Sultan Kudarat. Ninombrahan bilang mayor ang matandang Datu Ibrahim Paglas II. Hindi lang mga bayan ang inuukit sa mga eryang Moro. Ang dati rati’y nag-iisang prubinsya ng Cotabato ay nahahati na ngayon sa mga prubinsya ng South at North Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, Maguindanao at ang bagong ukit na Sarip Kabungsuan, at mga syudad ng Tacurong, General Santos at Kidapawan. Mas mabigat na kadahilanan dito ang paghahati ng kapangyarihan sa mga tradisynal na namumunong angkang Moro para papanghinain ang rebolusyonaryong pwersa sa kanilang hanay.

Noong taong 2000, kaalinsabay ng pamomomba at ground assault sa Camp Abubakar, pinalipad ang ideya ng pagbubuo ng prubinsya ng Iranun. Ang hilagang bahagi ng naturang kampo ng MILF ay pinaninirahan ng mga Morong Maguindanao at Iranun. Nakakonsentra ang huli sa hilagang bahagi ng bayan ng Matanog ng prubinsya ng Maguindanao, mga bayan ng Kapatagan at Balabagan sa prubinsya ng Lanao del Sur, at Alamada sa North Cotabato. Ngunit sa pampulitikang kadahilanan rin, mas pinili ng gobyerno na buuin ang prubinsya ng Sarip Kabungsuan nitong taong 2006 sa ilalim ng pamumuno ng angkang Ampatuan. Sa matagal na panahon, napatunayan ng angkang ito ang pagiging matapat na alagad ng gobyerno laban sa rebolusyonaryong pwersang Moro.

Isa sa malaking hakbang sa paghahati ng MNLF matapos ang pirmahan ng 1996 ay ang pamumudmod ng pondo para sa maliliit na mga proyektong sosyo-ekonomik sa mga eryang apektado ng digmaan at nasa ilalim ng kontrol ng MNLF. Makaraan ang may limang taon, nahati ang MNLF sa apat na grupong nagbabangayan sa papaubos ng pondo mula sa mga kontrolado ng imperyalismong EU na mga institusyong pinansyal tulad ng World Bank at Asian Development Bank. Isa ito sa mga senaryo na nakikitang mangyayari matapos ang pirmahan ng isang pinal na kasunduan sa pagitan ng MILF at gobyerno sa hinaharap.

Tulad noong panahon ni Kudarat, ang pakikidigmang Moro ng dekada 70 ay magtatapos sa pagkakaroon ng dalawang hiwalay na kasunduang pangkapayapaan sa katunggali nilang kapangyarihan. Ang MNLF ay pumirma sa isang pinal na kasunduan noong 1996. Nakapokus ngayon ang MILF sa mapayapang pakikipagkasundo sa gobyerno bagamat hindi nito binibitawan ang adhikain para sa pangmatagalan at komprehensibong kalutasan sa usaping Bangsamoro.

  1. Inilulunsad ang pakikidigmang Moro sa hiwahiwalay at maliliit na mga eryang Moro sa iba’t ibang panig ng Mindanao at arkipelago ng Sulu.

Sa layuning buksan ang Mindanao para sa sariling interes, ininganyo ng imperyalismong EU ang malawakang pandarayuhan ng mga magsasakang walang lupa at mga ispekulador sa lupa mula sa Luzon at Kabisayaan. Sa pamamagitan ng mga batas na nagpawalang bisa sa tradisyunal na sistema sa pagmamay-ari, kontrol at paggamit sa lupa ng mga lupang ninuno ng mga grupong etnololingwistiko sa isla – Moro at di-Moro, untiunting lumiit ang teritoryong pinanirahan at pinagkakabuhayan ng mga grupong ito.

Sinabayan pa ang malawakang pandarayuhan ng mga setler ng maramihang pagpapabinyag sa Kristyanismo sa hanay ng mga aktutubong di-Moro sa Mindanao sa panahon ng direktang paghahari ng imperyalismong EU sa bansa. Ang dati rati’y impluwensyado ng mga sultanatong Moro na mga grupong katutubong di-Moro, sa proseso ng pampulitikang konsolidasyon ng gobyernong Pilipinong hinubog ng imperyalismong EU mismo, ay unti-unting pumailalim sa kapangyarihang panggobyerno. Lalo nitong pinaliit ang mga teritoryong kontrolado ng mga sultanatong Moro.

Sa kasalukuyan, 17% na lang sa mga teritoryong kinilala ng kolonyalismong Kastila sa hiwalay na mga tratado nito sa mga sultanato ang nalalabing dominado ng mga grupong Moro. Binubuo ito ng mga prubinsya at lunsod na saklaw ngayon ng ARMM, ilang karatig barangay at ilan mga bayan at mga barangay na malayo sa rehiyon sa iba’t ibang panig ng isla.

Ang ARMM ay sumasaklaw sa magkakaratig na mga prubinsya ng Lanao del Sur at Maguindanao at lunsod ng Marawi sa hilaga at sentral na bahagi ng isla, isla-prubinsya ng Basilan, at ang arkipelago ng Sulu na bumubuo sa mga isla’t prubinsya ng Sulu at Tawitawi sa dulong timog kanluran ng Pilipinas. Bukod sa mga prubinsya’t lunsod na saklaw ng ARMM, may mga barangay sa mga eryang karatig at malayo sa rehiyon na dominado rin ng mga Moro. Matatagpuan ito sa mga prubinsya ng Zamboanga (halimbawa Siocon sa Zamboanga del Norte), Lanao del Norte (Inudaran), Davao Oriental (Taragona), Compostela Valley (baybayin ng Mabini at Pantukan), Sarangani, Sultan Kudarat (Lebak at Palembang), South at North Cotabato (Pikit at Alamada).

Ang malaking tipak na magkanugnog na eryang Moro sa hilaga at gitnang Mindanao (mga prubinsya ng Lanao del Sur at Maguindanao), at mga kanugnog na mga barangay sa Lanao del Norte, North Cotabato, South Cotabato at Sultan Kudarat) ay lubhang hiwalay sa mga isla ng Basilan at arkipelago ng Sulu, at gayundin sa mga pamayanang Moro sa Zamboanga, Davao Oriental, Compostela Valley at Sarangani.

Ang pinakamalaking tipak sa punto ng erya at populasyon ay nasa gitnang Mindanao. Malaking bahagi ng populasyon sa eryang ito ay binubuo ng mga Morong Maguindanao at Iranun. Ang eryang ito ay saklaw ng mayor na mga kampo ng MILF – ang Camp Abubakar al-Siddique, Camp Busrah, Camp Bilal, Camp Omar Ibn-al-Khattab, Camp Rajamuda, Camp Badre at Camp Darapanan na pawang kinilala ng gobyerno sa una at ikalawang pagkilala ng mga kampo ng MILF noong 1999 bago ang opensiba ng taong 2000 ng gobyerno laban sa MILF.

Bagamat hiwahiwalay at maliliit, bulubundukin ang mga eryang Moro, maging ang mga isla ng Basilan at Sulu. Bukod pa rito may eryang bay-istwari ng Simuay sa may Ligwasan Marsh sa Maguindanao na humahangga sa baybayin dagat ng Sultan Kudarat at karatig na mga barangay sa North Cotabato at Cotabato City. Sa eryang bay-istwaring ito kinakitaan ng pinakamabangis ng pakikidigma sa una at huling bugso ng pusisyunal na opensiba ng MNLF mula 1972 hanggang 1975. Tinagurian itong Hell’s Little Acre ni Brig. Gen. Fortunato Abat, ang unang naging kumander ng Central Mindanao Command (CEMCOM) ng AFP na binuo sa kasagsagan ng pakikidigmang Moro ng dekada 70.

Ang bulubunduking hangganang erya ng Lanao del Sur at Maguindanao ang naging sentral na kwartel ng pamunuan ng MILF sa mahabang panahon mula ng buksan ito noong 1983 hanggang sa paglulunsad ng todo gyera ng gobyernong Pilipino ng gobyernong Pilipino noong taong 2000. Ito ang Camp Abubakar al-Siddique na binubuo ng mga bayan ng Buldon, Barira at Matanog sa prubinsya ng Maguindanao at mga bayan ng Kapatagan at Balabagan ng Lanao del Sur. Bagaman nagawang wasakin ng mga tropa ng gobyerno ang mga impraistrukturang itinayo ng MILF sa loob nito – pangunahin ang Abdurahman Bedis Military Academy, nanatili itong matatag na larangan ng pakikidigma ng MILF hanggang sa kasalukuyan.

Bihasa sa pasikutsikot ng arkipelago dulot ng ilang siglong paninirahan at pakikidigma sa pagtatanggol dito, naaangkupan ng mga mandirigmang Moro ang mga problemang bunga ng isla-islang katangian ng Sulu, Tawitawi at Basilan. Di birong pahirap at sakit sa ulo ang dulot ng mga opensibang militar ng MNLF sa mga islang ito – pangunahin sa mga isla ng Jolo, Parang at Patikul- sa mga tropang militar ng gobyerno sa pagsisimula pa lang ng mga kampanyang opensiba nito nito noong 1972 hanggang nitong 2005. Isa sa mga opensiba sa Patikul ang kumitil sa buhay ng isang heneral at 34 sa kanyang mga tauhan.

Gayunpaman, nanatiling malaking problema sa pakikidigma sa ganitong katangian ng mga eryang Moro ang malakihang deployment ng mga pwersa ng gobyerno sa panahon ng mga kampanyang opensiba nito o ng pwersang Moro. Kinakailangang kumplementahan ang mga kampanyang opensiba ng mga pwersang Moro ng koordinadong kampanyang opensiba ng iba pang rebolusyonaryong pwersa sa ibang panig ng bansa para mapangalagaan at mapalawak pa ang mga tagumpay na makakamit sa paglulunsad ng mga kampanyang militar nito at pakikipagnegosasyon sa gobyerno..

  1. Pusisyunal at kumbensyunal ang naging kondukta ng pakikidigma ng MNLF laban sa mga pwersang militar ng gobyernong Pilipino sa unang mga taon nito.

Sa naging mabilis na proseso ng pagtatayo ng hukbong Bagsamoro – pagrerekluta ng mga mandirigma, pagsasanay ng mga upisyal sa labas ng bansa bago pa man pormal na ideklara ang pag-oorganisa dito, pangangalap ng mga suportang pinansyal at lohistikal mula sa labas, nagkaroon ng ilusyon ng madaliang tagumpay ang pamunuan ng MNLF.

Naglunsad ito ng sunudsunod na mga kampanyang opensiba na may katangiang pusisyunal at kumbensyunal na pakikidigma laban sa mga tropa ng gobyerno. Ang unang bugso ng mga opensiba nito ay inilunsad sa ilang isla ng Sulu, lakip ang islang kapital ng prubinsya, ang Jolo isang buwan makaraan ang deklarasyon ng batas militar.

Sinundan ito ng isa ring serye ng opensiba sa prubinsya ng Cotabato noong unang kwarto ng 1973. Nagparang pitsa ng domino na pinatumba ng MNLF ang mga kwartel at tsekpoynt ng militar sa naturang opensiba. Sinuportahan ang mga seryeng ito ng opensiba ng mga pag-atake sa mga prubinsya ng Zamboanga, Basilan, Lanao, Tawitawi at Davao Oriental.

Bunga ng mga opensibang ito nakapagtatag ang MNLF ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa magkakaratig bayan at prubinsya sa mga eryang dominado ng mga grupong Moro. Nawalan ng lugar ang mga istrukturang panggobyerno ng gobyernong Pilipino sa ilang panahon matapos ang mga kampanyang militar ng MNLF.

Sa tindi ng inilunsad na mga kampanyang militar ng MNLF sa unang dalawang taon nito, kinailangang ideploy ng AFP ang 61% ng mga batalyon ng Philippine Army at Marines, mahigit sa 40% ng artileri nito, 50% ng mga sasakyang armori at 63% ng taktikal na mga sasakyang panghimpapawid; at gumastos ng PhP 15M bawat araw sa kasagsagan ng mga opensiba ng MNLF.

Bagamat naitulak ng MNLF ang mga tropang militar sa gipit na mga kalagayan, hindi nito nakamit ang inakala at nilayong madaliang tagumpay sa pakikidigma. Sa takbo ng pakikidigma nito, nagkaroon ng realisasyon ang MNLF na hindi maaari ang pakikidigmang atrisyon ng relatibong maliit, nagsisimula pa lang na hukbong Moro laban sa relatibong mas malaki at mas malakas na pwersang militar ng gobyerno.

Natuto sa karanasan ng naunang prenteng Moro, inasikaso ng MILF ang pagpapalawak at konsolidasyon ng kanilang mga baseng masa bago pa man ito pormal na nagdeklara ng pagkakatatag. Naglunsad lang ng serye ng mga taktikal na opensiba laban sa mga tropa ng gobyerno noong unang kwarto ng 1987. Nilayon nitong ipakita sa administrasyong Aquino na hindi ito isang humiwalay na grupo lamang mula sa MNLF na maaaring hindi bigyan ng pansin sa pakikipag-usap ng kapayapaan kaugnay ng usaping Moro.

Ang sumunod na mga serye ng taktikal na opensiba ng MILF ay bilang reaksyon na lamang sa mga kampanyang militar ng gobyerno. Una, laban sa mga taktikal na kampanya sa ilalim ng administrasyong Ramos na naglayong igiit ang isang kasunduan sa tigil putukan sa prenteng Moro. Sumunod laban sa todong gyera sa ilalim ng administrasyong Estrada noong taong 2000 sa punong kwartel nito sa Camp Abubakar. Nitong huli, laban sa kampanyang militar ng Pangulong Arroyo sa Buliok Complex noong 2003.

Gayunpaman, kinakailangang panatilihin ng mga pwersang Moro ang malakihang pormasyon ng hukbo nito. Sa panahon ng mga kampanyang militar ng gobyerno – opensiba at kontraopensiba pareho, binubuhusan ng gobyernong Pilipino ng malaking bahagi ng mga armadong tropa’t kagamitang pandigma nito ang mga target na mga eryang Moro. Dapat itong asahan sa harap ng ipinakitang kakayahan ng mga hukbong Moro sa pakikidigma mula pa noong dekada 70 hanggang sa kasalukuyan.

Malaking tulong ang kasanayan ng mga mandirigma’t upisyal militar ng hukbong Moro sa paglulunsad ng pinal na opensiba ng rebolusyong Pilipino sa hinaharap. Magbibigay ng malaking sakit sa ulo sa gobyerno ang koordinasyon ng gerilyang pakikidigma kung saan mas may kasanayan ang hukbong bayan na ngayon ay konsentrado sa hanay ng mayoryang Kristyano, at pusisyunal na pakikidigma kung saan mayaman ang karanasan ng mga hukbong Moro kung sakasakali’t magpapatuloy ang mabuting ugnayan at relasyon ng dalawa sa loob at labas ng pormal na alyansa..

5. Malaking tungkulin sa paglulunsad at pagtataguyod ng ng pakikibakang Moro ang pagbabago sa pananaw at aktitud sa isa’t isa sa pagitan ng mayoryang Kristyano at sambayanang Moro.

Mula sa panahon ng paghahari ng kolonyalistang Kastila hanggang sa kasalukuyan, ipinatutupad ng katunggaling mga kapangyarihan ng Moro ang taktikang hatiin-para-maghari para paghiwalayin at pagkagalitin ang mga mayoryang Pilipino at mga masang Moro sa bansa.

Noong panahon ng kolonyalistang Kastila, pinakilos nito ang mga indio bilang mga tagasagwan, mga tagapana, at mga ispiya sa pakikidigma nito laban sa mga grupong Moro. Ipinatupad pa ng kolonyal na gobyernong Kastila ang Privateer System noong ika-18 siglo kung saan ang kriminal na mga elemento ay pinahintulutang mag-organisa ng mga ekspidisyon laban sa mga pamayanang Moro. Dahil sa mga prayle’t sundalong Kastila, nagsimulang ituring ng mayoryang Pilipino ang mga Moro bilang mga demonyo, salbahe at mababangis.

Walang iniwan ang palisiya ng imperyalismong EU tungo sa mga grupong Moro panahon ng direktang paghahari nito sa bansa. Ginamit ng bagong kolonylistang kapangyarihan sa bansa ang mga Philippine Scouts na pawang Kristyano laban sa mga Moro panahon sa kampanyang pasipikasyong militar nito laban sa huli. Ginawang dyastipikasyon ng kolonyal na gobyernong Amerkano ang pamimirata, pagdagit ng mga tao sa mga pamayanang Kristyano at pagsangkot ng mga Moro sa kalakalan ng mga alipin sa paglulunsad ng kampanyang pasipikasyon nito. Mula noon tiningnan ng mga Kristyano ang mga Moro bilang mga pirata at mang-aalipin.

Ang Jabidah Massacre naman ang tumampok sa ilalim ng kasalukuyang republikang Pilipino bago sumiklab ang Digmaang Moro ng dekada 70. Dinagdagan pa ito ng mga karahasang militar panahon sa mga kampanyang opensiba at kontraopensiba ng gobyerno laban sa mga mamamamayan at pwersang Moro. Gayundin, sa tulong ng midya, naipalabas ng gobyerno na walang pagkakaiba ang teroristang grupong ASG sa lehitimong nakikibakang pwersang MNLF at MILF.

Sa isang banda, hindi rin maisasantabi ang malawak at malalim na mga karanasan ng mga pandarahas ng mga Moro laban sa mga pamayanan at mga indibidwal na Kristyano. Noong panahon ng kolonyalistang Kastila, karaniwang nandaragit ng mga bihag na ginagawa o ipinagbibili bilang alipin ang mga pwersang Moro sa mga pamayanang Kristyano sa Luzon, Kabisayaan at di-Morong bahagi ng Mindanao. Sa panahon ng direktang paghahari ng imperyalismong EU, may mga Kristyanong Pilipino sundalo at hindi ang nabiktima ng mga Morong naglulunsad ng sabil-ul-ullah o paghuhuramentado bagamat mas target ng mga huramentado ang mga sundalong Amerkano.

Hindi rin mawawala sa alaala ng mga pamilya, angkan at kababaryo ng mga Kristyanong biktima ng mga pag-atake ng mga Barakuda at Blackshirts bago itinatag ang MNLF. Gayundin ang mga karahasan kaugnay ng paglulunsad ng mga grupong nasa loob ng prenteng Moro ng mga hakbang para bawiin kanilang mga lupang ninuno sa ginawa ng gobyerno na mga setelment sa mga eryang Moro, panahon sa kasagsagan ng mga kampanyang opensiba nito sa unang mga taon ng dekada 70.

Malalim ang mga sugat at sakit na nilikha ng mga karahasang ito laban sa isa’t isa. Hindi ito mawawala sa simpling pagpapahayag ng pangangailangang magkaisa ng parehong panig. Pinapatunayan ito sa ilan ng pagkakataon. Halimbawa, mas malaki ang bilang ng mga Kristyanong sumasang-ayon sa paglulunsad ng mga todo-gyera laban sa mga rebolusyonaryong pwersang Moro tulad ng inilunsad ni Estrada noong 2000 at Arroyo noong 2003. Kinakailangan ang mahabang panahon ng pagpapanday ng pagtitiwala sa isa’t isa sa pagitan ng dalawang mamamayan sa takbo ng pagkakapitbisig nila sa pakikibaka. Tungkulin ito ng dalawang panig sa paglulunsad at pagtataguyod sa pakikibakang Moro sa bansa.

6. Impluwensyado ng mga pandaigdigang organisasyong Muslim, pangunahin ng Organization of Islamic Coutries o OIC ang kondukta ng pakikibakang Moro sa ilalim ng MNLF at gayundin ng MILF.

Ang caliphate ang naging sentro ng Islam pagkamatay ng nag-organisa dito. Nagpatuloy ang ganitong kaayusan hanggang 1924 nang buwagin ito kaalinsabay ng sekularisasyon sa Turkey. Ang Turkey ang sentro ng Ottoman Empire na nangalaga sa caliphate sa mahabang panahon.

Sa kasalukuyan, ang mga bansang Muslim at mga bansang may minoryang Muslim tulad ng sa Pilipinas, ay kinakatawan at/o binibigyan proteksyon ng mga pandaigdigang organisasyon ng mga bansang Muslim. Pangunahin dito ang Organization of Islamic Countries (OIC) na binubuo ng mga bansang Muslim na malapit sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA), ang pinakamayamang bansang Arabo at malaki ang papel sa pagpapatakbo ng OIC. Hindi lingid na malapit ang ugnayan ng KSA sa malalaking kapitalistang Amerkano at gobyerno ng EU. Isa pa sa pandaigidigang organisasyong Muslim ay ang Muslim World League o MWL.

Ang malapit na ugnayan ng Ottoman Empire at imperyalismong EU ang isa sa mga salik na nagtulak sa mga sultanantong Moro na maging mapagkaibigan sa nangongolonyang kapangyarihan sa Pilipinas sa pagbubukas ng nakaraang siglo. Lumagda ang sultanatong Sulu sa Kasunduang Kiram-Bates kung saan panandaliang nakipagkompromiso ang imperyalismong Amerkano sa mga pwersang Moro habang hinaharap ang maigting na pakikibaka sa Luzon at Kabisayaan.

Noong dekada 70, ang interbensyon ng OIC ang pangunahing salik sa pagsang-ayon ng MNLF na pumaloob sa balangkas ng konstitusyon at teritoryal na integridad ng Pilipinas ang sa pakikipag-usap nito para sa kapayapaan sa gobyerno. Mula sa panawagan nitong sesesyunista ibinababa nito ang panawagan para sa otonomiya. Sa nilagdaang kasunduan sa Tripoli, Libya noong 1976, pumayag rin ang MNLF sa pagpapatupad ng tigil-putukan sa pagitan ng dalawang panig. Mula noon, nagbagong hugis ang kondukta sa pakikibaka sa ilalim ng pamumuno ng MNLF hanggang sa lumagda ito sa isang pinal na kasunduan noong 1996. Matapos ang lagdaan sa kasunduang ito, binigyan ng OIC ang MNLF ng observer status sa OIC.

Ganito na rin ang itinatakbo ng kondukta sa pakikibaka sa ilalim ng MILF. Noong 1998, lumagda ito sa kasunduan sa pangkalahatang pagpapatigil sa mga sagupaan sa ilalim ng administrasyong Ramos. Noong taong 2000, nagpakitang interes at pagkabahala ang OIC sa kalagayan ng mga Moro kaugnay ng todong gyerang opensibang inilunsad ng administrasyong Estrada. Nagsagawa ang OIC ng isang Fact Finding Mission sa mga eryang apektado ng naturang opensiba. Kasunod ng hakbang na ito, magkasama nang kinakatawan ng MNLF at MILF sa OIC ang mga mamamamayang Muslim sa Pilipinas.

Sa panahon ng pamumuno ni Hashim Salamat sa MILF, kahilingan nito ang pagdaraos ng isang reprerendum na ipapailalim sa United Nations o sa OIC. Inimumungkahi ng MILF ang paghaharap ng katanungang ano ang pipiliin ng mga mamamayan saklaw ng mga kampo nito: pagpapanatili ng kasalukuyang kaayusan, kaayusang pederal o pagiging nagsasariling malayang bansa. Kinikilala ng MILF ang malaking papel ng OIC sa kondukta ng pakikipag-usap pangkapayapaan nito sa gobyerno ng PIlipinas. Sa isang banda, malaki ang naitutulong ng OIC sa pagpapatigil sa mga kampanyang opensiba ng gobyerno laban sa MILF at mamamamayang Moro. Idagdag pa rito ang naging papel ng naturang pandaigdigang organiasyong Muslim sa pagpapatampok sa usaping Bangsamoro bilang internasyunal na usapin. Pabor na salik ito sa MNLF at MILF sa pagkilala sa kanila bilang mga lehitimong pwersang nakikibaka para sa mga pagbabagong panlipunan.

Mahalagang bigyan pansin ang bigat na binigay ng MNLF at ibinibigay ngayon ng MILF sa proseso ng usapang pangkapayapaan sa pagbibigay kalutasan sa usaping Moro. Mahalagang alalahanin na mula’t sapul ang mga nakatunggali at kinakatunggaling kapangyarihan ng mga pwersang Moro ay nakikipagkasundo sa huli sa panahon at kalagayang gipit sila.

Noong panahon ng kolonyalismong Kastila, nakipagkasundo ang kolonyal na gobyernong Kastila kina Sultan Kudarat at Sultan Bongso dahil sa nakaambang panganib sa mga pagtatangka ng kolonyalismong Ingles at Dutch, at ng si Tsinong si Koxinga na agawin ang Maynila. Nakipagkompromiso naman ang imperyalismong EU sa mga sultanatong Moro para magkaroon ng panahon sa paggapi sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Luzon at Kabisayaan.

Nilagdaan ng gobyernong Pilipino sa ilalim ni Marcos ang TA ng 1976 para makapahinga sa pakikidigma, makapangalap ng mga impormasyon sa kasunod na opensiba laban sa MNLF at pahupain ang galit ng mga bansang Muslim sa Gitnang Silangan na nagbabanta ng di-pagbebenta ng langis sa bansa. Pumasok sa usapang pangkapayapaan ang administrasyong Ramos para magkaroon ng kasunduan sa pangmatagalang tigil-putukan sa MILF.

Minamadalinaman ngayon ng administrasyong Arroyo ang pakikipag-usap ng kapayapaan sa MILF, matapos ang dalawang taong pangigipit dito para iwasan ang pagharap sa maraming katunggaling pampulitika sa harap ng matinding krisis na kinakaharap nito sa kasalukuyan. Gayundin, malaking tulong sa nagigigipit sa pondong administrasyon ang ipinangangakong tulong pinansyal ng mga pandaigdigang institusyon kung magkakaroon ito ng pinal na kasunduan sa MILF. Sa ilang mga pahayag, klaro na mulat naman ang MILF sa naging kahinaan ng MNLF sa paglagda sa isang pinal na kasunduang pangkapayapaan na hindi nagbunga sa komprehensibo at panghabangbuhay na kalutasan sa usaping Moro.

7. Bahagi ng programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan ng National Democratic Front ang pagtataguyod sa pakikibaka para sa sariling pagpapasya ng sambayanang Moro.

Ipinakikita ng karanasan sa Rebolusyong Pilipino ng 1896 na mabunga ang salimbayang paglulunsad ng antikolonyal na pakikibakang Moro at lumang tipong pambansang demokratikong rebolusyon ng bayan.Sa pagsidhi ng Rebolusyong Pilipino ng 1896 napilitan ang kolonyal na gobyernong Kastila na bawasan ang kanyang mga tropang militar sa Mindanao at Sulu. Kinailangan nitong magkonsentra ng pwersa laban sa umiigting na opensiba ng rebolusyonaryong pwersa sa Luzon at Kabisayaan. Isa sa mga salik sa di-ganap na pagkagapi ng mga pwersang Moro sa kamay ng kolonyalismong Kastila ang Rebolusyong Pilipino ng 1896.

Noong dekada 70, malaking tulong sa panahon ng pag-iipon ng lakas ng Bagong Hukbong Bayan ng NDF ang paglulunsad ng masisidhing mga opensiba ng MNLF sa Mindanao at Sulu. Hinigop nito ang mahigit sa kalahati ng pwersa’t kagamitang pangmilitar ng AFP at malaking tipak ng badyet ng gobyernong Pilipino ng mga panahong yon. Nabigyan ng panahon at espasyo ang BHB-NDF sa pagpapalawak ng kanilang basing masa sa iba’t ibang panig ng kapuluan.

Bukod sa mga positibong ibinunga ng pagsasalimbayan ng pakikibakang Moro at pambansang demokratikong rebolusyon ng bayan, kinikilala rin ng NDF ang katarungan ng paglulunsad ng pakikibaka ng sambayanang Moro para sa sariling pagpapasya. Bukod pa rito, pinanghahawakan rin ng NDF ang pangangailangan ng panglipunang pagbabago sa hanay ng mga grupong Moro at ganap na rebolusyonalisasyon sa pakikibaka para sa lubusang pagpapalaya ng mamamayan sa mga salot panlipunan – ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Sa pagkilala sa pakikibaka para igiit ang karapatan ng mga grupong Moro sa sariling pagpapasya, bukas ang NDF sa kahilingan ng mga armadong lakas na kumakatawan sa mamamayang Moro sa kasalukuyan na magkaroon ng isang nagsasariling estadong Moro. Bukod pa rito ang pagkilala ng NDF sa karapatan sa makatarungang representasyon ng mga mamamayang Moro sa mga istrukturang panggobyerno mula sa antas ng barangay pataas,

Kaalinsabay ng pagkilala at pagtataguyod sa karapatan sa sariling pagpapasya ng mga mamamayang Moro, hindi tinatalikdan ng NDF ang tungkulin nitong tumulong at gumawa ng mga hakbang sa proseso ng lubusang pagrerebolusyonalisa sa pakikibakang Moro. Una sa mga hakbang ng NDF tungo rito ay ang pakikipag-alyansa sa mga pwersang Moro sa lahat ng larangan ng pakikibaka at lahat ng antas mula sa ibaba pataas.

Mula noong dekada 70, sinuportahan nito ang mga programa ng simbahan sa pagkakapitbisig ng mga mamamayang Moro at Kristyano sa pamamagitan ng mga programa tulad ng Duyog Ramadhan. Nagkaroon din ito sa pamamagitan ng BHB ng kaayusan para sa kooperasyon at koordinasyon sa pagitan ng dalawang armadong pwersa sa lokal na antas.

Noong dekada 80, nagbuo ang NDF ng Moro Revolutionary Organization (MRO) sa hanay ng mga rebolusyonaryong kadreng Moro nito. Hakbang ito ng NDF para tumulong sa rebolusyonalisasyon sa pakikibakang Moro. Sanhi ng panloob na usapin sa NDF noong dekada 90, humiwalay ang MRO at pumaloob sa ibang grupong pampulitika. Nitong 2005, binuhay ang diweang gumabay sa NDF sa pagtatayo ng MRO. Itinatag ang Moro Resistance and Liberation Organization (MRLO) noong Hulyo 2005.

8 Pabor sa pagsusulong ng pakikibakang Moro ang pag-igting ng pakikikibaka para sa pambansang kalayaan at karapatan sa sariling pagpapasya ng mga mamamayang Arabo, Palestino at iba pa sa Gitnang Silangan.

Patuloy na sumisidhi ang pandaigdigang krisis pang-ekonomiya at pampulitika ng imperyalismo. Sa pagtatangkang makaahon, pinaiigting nito ang pagsasamantala sa mga likas na yaman at mga mamamayan sa mga mahihirap na bansa sa iba’t ibang panig ng daigdig. Patuloy pa rin ito sa paglulunsad ng mga pakikidigmang agresyon laban sa mga bansang may kontrol at/o maaaring magkaroon ng malaking papel sa pagkontrol sa pinakaestratehikong industriya ng langis. Pangunahin sa mga pakikidigmang ito ay ang inilunsad nito sa Afghanistan at Iraq, mga bansang Muslim. Bukod pa rito ang patuloy na pagsuporta ng imperyalismong EU sa Israel laban sa bansang Palestine.

Sinasagot ng mga bansa at mga mamamayang Arabo, Palestino at iba pa ang terorismong ito ng imperyalismo sa pamumuno ng imperyalismong EU ng digmaang bayan para sa pambansang kalayaan at karapatan sa pagpapasya sa sarili. Ang mga digmaang bayan na ito sa Gitnang Silangan ay nagbibigay ng inspirasyon sa mga mamamayang Moro sa Pilipinas. Mayaman ang lupa sa ibayo pang pagtatagumpay ng digmaang bayan ng mamamamayang Moro para sa pambansang kalayaan at karapatan sa sariling pagpapasya.




[1] Totongayana, salitang Maranao na katumbas ng angkan

[2] agama, salitang katutubo sa Mindanao na katumbas ng baryo sa Pilipino o village sa Ingles, mas malaking yunit ng pampulitikang pamumuno kaysa totongayana

[3] inged, mas malaking yunit sa pampulitikang pamumuno na katumbas ng bayan o munisipalidad sa kasalukuyang paghahati ng gobyerno

[4] Saleh Jubair, nom de guerre ng isa sa mataas na lider ng MILF